Palaboy

Yorme Isko iuutos sa uupong MDSW: Balik probinsiya sa mga palaboy sa Maynila

Edd Reyes May 31, 2025
60 Views

ISA sa magiging marching order ni Manila Mayor-elect Isko Moreno Domagoso sa mauupong bagong hepe ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang paglilinis ng mga palaboy sa lahat ng sulok ng Maynila.

Ayon kay Yorme Isko Moreno, nais niyang maisakatuparan ang lokal na version na “Balik Probinsiya Program” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng paglulunsad ng programang “Balik Bahay, Balik Buhay”.

Sa ilalim ng naturang programa, iuutos aniya niya sa mauupong hepe ng MDSW na alamin ang lahat ng mga palaboy sa lansangan o street dwellers na wala talagang permanenteng tirahan sa Maynila at kung saan sila nagmula.

Kapag natiyak na kung saang probinsiya sila nanggalin, sasagutin na ng lokal na pamahalaan ang gastusin upang makauwi ang mga ito sa kanilang mga pinanggalingang lalawigan.

Bukod sa pamasahe pabalik ng kanilang probinsiya, bibigyan pa ng puhunan ang mga ito upang makapagtayo ng maliit na negosyo para sa pagsisimula nilang muli ng panibagong buhay.

Sa oras na makabalik na ang mga ito sa kanilang lalawigan, magkakaroon ng wastong pakikipag-koordinasyon ang MDSW sa lokal na pamahalaan lungsod o munisipalidad na kanilang pinanggalingan upang patuloy na ma-monitor ang kanilang galaw para matiyak na hindi na sila muling babalik para magpalaboy-laboy sa Maynila.

Magugunita na una na itong iminungkahi ni dating MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente noong siya pa ang Director ng DSWD sa National Capital Region (NCR) noong 2009.

Umaasa si Yorme Isko na sa loob ng unang 100-araw ng kanyang panunungkulan ay maipatutupad ng bagong uupong hepe ng MDSW na malinis ang 50 hanggang 60 porsiyento ng mga palaboy sa Maynila at 70 hanggang 80 porsiyento ay maibabalik na ang mga ito sa kanilang pinagmulan bago matapos ang taong 2025.