Calendar

NBI, AKG kinasuhan suspek sa Nasugpu kidnap ng 3 dayuhan
SINAMPAHAN ng kidnapping ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang 1 sa 4 na indibidwal na nagsabwatan umano sa pag-kidnap sa tatlong dayuhan sa Nasugbu, Batangas noong Lunes.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na nag-ugat ang kaso sa intelligence reports mula sa NBI-Organized and Transnational Crimes Division (OTCD) at PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).
Nagsimula ang imbestigasyon kasunod ng insidente ng kidnap-for-ransom (KFR) noong Mayo 2 na kinasasangkutan ng dalawang Chinese at isang Korean na dinukot sa Nasugbu, Batangas.
Naharang ang mga biktima ng mga suspek matapos magsagawa ng checkpoint na inilatag ng mga suspek malapit sa Kaybiang Tunnel malapit sa boundary ng Cavite at Batangas.
Boluntaryong sumuko ng isang suspek na si Jomar Ubarde sa NBI-OTCD headquarters sa Pasay City, ayon sa NBI.
Sa isang custodial investigation na isinagawa sa presensya ng kanyang legal counsel, gumawa ang suspek ng sinumpaang extrajudicial confession, na inamin ang kanyang partisipasyon sa surveillance, coordination at logistical planning ng pagdukot.
Inginuso niya ang kanyang mga kasamahan na nakilalang sina Danilo “Danny” Lominoque Abilong na utak sa pangingidnap at isang John Nelson Ladrera alyas Master, na siyang responsable sa pag-recruit ng mga operational asset para sa aktwal na pagdukot sa mga biktima.
Sa isang hiwalay na sinumpaang salaysay, pinatunayan ni Abilong ang katotohanang ibinigay ni Ubarde.
Isinalaysay nito na pinangakuan siya ng kabayaran kapalit ng kanyang pakikipagtulungan sa pagtatanim ng GPS tracking device at pagsubaybay sa mga galaw ng kanyang amo, na isa sa mga naging biktima, sa pagkukunwari ng pagtulong sa isang law enforcement operation.
Kinumpirma rin niya ang pagkakasangkot ni Master na nakipag-ugnayan sa mga indibidwal na nagpanggap bilang mga alagad ng batas upang isagawa ang pagdukot.
Ang kabuuan ng mga ebidensyang nakalap kabilang ang mga sinumpaang salaysay, nagpapatunay na mga testimonya at mga detalyadong pag-amin ng mga pangunahing kalahok sa krimen.
Ang co-conspirator na si John Nelson Ladrera at isang alyas na Erick, na nananatiling nakalaya, makakasuhan din dahil kasabwat sila sa kidnapping.
Samantala, sinampahan na ng kasong Kidnapping for Ransom si Danilo Abilong ng AKG sa Office of the Task Force on Anti-Kidnapping, National Prosecution Service, Department of Justice..
Pinuri ni Santiago ang kanyang mga ahente at mga operatiba ng PNP-AKG sa pagkakadakip sa mga suspek.