Calendar
QC: EDSA rehab suspension bunga ng malasakit, pag-iintindi sa commuters
BUO ang suporta ng lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang ipagpaliban ang rehabilitasyon ng EDSA.
Sa ipinalabas na press statement, nauunawaan ng pamahalaang lungsod ang desisyon ng Pangulo dahil mas mahalagang unahin ang kapakanan at kaginhawaan ng taumbayan lalo na sa panahong puno ng hamon.
Ayon sa pahayag, bunga rin ng masusing pag-intindi at malasakit para sa mga araw-araw na dumaraan at umaasa sa EDSA ang naturang desisyon.
Mahalaga din na magkaroon ng malinaw at maayos na plano para sa rehabilitasyon ng isa sa pangunahing daanan sa Metro Manila.
“Importante na makatulong ang proyekto kapag ito’y nabuo na at habang ginagawa pa sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ating mga kababayan at patuloy na pag-unlad ng ating ekonomiya,” ayon pa sa pahayag.
Samantalang, umaasa ang lokal na pamahalaan na may mga makabagong teknolohiya at estratehiya na maaaring gamitin upang mapabilis ang rehabilitasyon mula sa inaasahang dalawang taon posibleng maisakatuparan ito sa loob lamang ng anim na buwan.
“Naniniwala kami na sa tulong ng tamang pagpaplano at paggamit ng mga makabago at mabisang pamamaraan, mas magiging magaan ang epekto nito sa publiko,” dagdag pang pahayag.
Tiniyak pa ng lokal na pamahalaan na handa itong makipag-ugnayan at umalalay sa pambansang pamahalaan anuman ang maging pinal na desisyon at susunod na hakbang.