Romblon Lone

Madrona pinapurihan si PBBM dahil sa pagsuspindi sa EDSA rehabilitation project

Mar Rodriguez Jun 3, 2025
96 Views

BILANG vice-chairman ng House Committee on Transportation. Pinapurihan ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong ipag-utos ang pansamantalang suspension ng panukalang EDSA Rehabilitation project.

Sang-ayon si Madrona, chairman din ng House Committee on Tourism, sa mungkahi ng Pangulo na kailangan pag-aralang mabuti bago ikasa ang pagsasa-ayos o rehabilitasyon ng EDSA upang hindi naman maapektuhan at maperwisyo ang libo-libong motorista.

Pagbibigay diin ni Madrona na isang napakabigat at seryosong usapin ang EDSA Rebuild project kung kaya’t napakahalaga na mag-usap-usap muna ang mga concerned government agencies sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para ma-plantsa ang mga naka-umang na problema sa ilulunsad na proyekto.

Paliwanag ng kongresista na kapag naging padalos-dalos ang mga ahensiya ng pamahalaan at hindi nila pinag-aralang mabuti ang pagsasagawa ng nasabing proyekto. Tiyak aniya na maraming mamamayan ang magagalit sa ating gobyerno.

Ikinatuwiran ni Madrona na ang halos dalawang-taong pagsasagawa ng EDSA Rehabilitation project ay hindi biro para sa napakaraming Pilipino partikular na sa mga nagta-trabaho at nagne-negosyo sapagkat nakataya dito ang kanilang kabuhayan at pagkakakitaan.

Ayon pa kay Madrona, hindi lamang ang mga mamamayan ang apektado ng naturang proyekto kundi ang pamahalaan na mismo dahil isa sa mga lubhang maaapektuhan dito ay ang turismo ng bansa kung saan maraming dayuhang turista ang mawawalan ng ganang magtungo sa Pilipinas bunsod ng napakatinding trapiko.

“Kailangan talagang pag-aralan mabuti kung ano ba ang mga dapat nating gawin sa gagawing proyekto sa EDSA dahil hindi lamang ang mga mamamayan ang apektado dito,” wika ni Madrona.