bro marianito

Hinamon tayo ng pagbasa na maging asin at ilaw tayo sa ating kapwa (Mateo 5:13-16)

533 Views

“Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan nila ang inyong Amang nasa Langit”. (Mate0 5:16)

ANG lahat ng nilikha ng Panginoong Diyos ay pinagkalooban ng tinatawag na “God-given talents”. Ang ibig sabihin nito, mayroon tayong kaniya-kaniyang talino, husay at galing na maaari nating gamitin upang makatulong at mapakinabangan ng ating kapwa.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 5:13-16), matapos wikain ni Hesus na “Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?” (Mateo 5:13)

Ang Ebanghelyo ay hamon para sa ating lahat na gamitin natin ang ating “God-given talents” para maging kapaki-pakinabang sa ating kapuwa hindi lamang sa larangan ng husay natin sa pag-awit, pagsasayaw kundi ang ating angking talino.

Matapos ang isinagawang 2022 National at local elections, magsisimula naman ngayon ang pagtupad sa lahat ng ipinangako ng mga kumandidato at nanalong opisyal ng ating pamahalaan.

Ang itinuturo ng Ebanghelyo ay isang paalala para sa kanilang lahat kung papaano nila gagamitin ang kanilang “alat” upang tunay silang makapagsilbi sa mamamayang Pilipino. Katulad ng mga salitang namutawi sa kanilang mga bibig noong kampanya.

Ito na ngayon ang pagkakataon ng mga nahalal na opisyal ng pamahalaan para patunayan na totoo silang maglilingkod sa mga taong nagtiwala sa kanila. Katulad ng isang “asin” na magbibigay ng pakinabang. Sapagkat ang asin ay nagagamit sa napakaraming bagay.

Subalit kung hindi magagamit ng mga bagong opisyal ang kanilang alat sa pamamagitan ng kanilang talino, husay at abilidad gaya lamang din sila ng “asin” na inilalarawan sa Pagbasa na “Walang Kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao”. (Mateo 5:13)

Nangangahulugan lamang ito na sinayang nila ang pagtitiwalang ibinigay sa kanila ng mga botante o mga taong naniwala sa kanilang kakahayahan subalit hindi naman nila kayang pangatawanan.

Binanggit din sa Ebanghelyo na tayo ang ilaw ng Sanlibutan (Mateo 5:14), bilang mga mananampalataya ng Panginoong HesuKristo. Mayroon tayong tungkulin na maging liwanag o ehemplo para sa mga taong nakasadlak sa kadiliman sanhi ng pagkabulid sa kasalanan.

Ito ang mga taong nasa kadiliman, sapagkat mas hinahangad nila ang mamuhay na lamang sa pagkakasala sa halip na mamuhay sa tama. Sila ang mga taong lulong sa illegal na droga, mga nakiki-apid, nangangalunya, mga mapagmura, mapanlait at maiinggitin.

Ang liwanag na natamo natin mula sa Panginoong HesuKristo ang magsisilbing tanglaw upang sila’y akayin natin tungo sa liwanag. Kaya ang paalala sa atin ng Mabuting Balita ay ilagay natin ang ating liwanag sa talagang patungan upang maliwanagan ang lahat. (Mateo 5:15)

Tanungin natin ang ating mga sarili. Ako ba’y nagbibigay ng alat sa aking kapwa? Ako ba’y nagsisilbing liwanag sa aking mga kababayan? Sa pamamagitan ng pagiging isang mabuting ehemplo o isa lamang akong “pasaway” na mamamayan?

Ang mensahe ng Pagbasa ay hindi lamang para sa mga bagong opisyal ng ating pamahalaan kundi para sa ating lahat na mga Pilipino. Hinahamon tayo na gamitin natin ang ating “alat at liwanag” para makatulong tayo sa pagpapaunland ng ating bansa.

Sapagkat ang mga itinuturo ng Ebanghelyo o mga Aral mula sa Bibliya ay hindi lamang nakatuon sa pagpapayabong ng ating buhay “espirituwal” bilang Kristiyano kundi pinapayabong din nito ang ating “espiritu” bilang tao para tayo’y maging isang responsableng mamamayan.

Lahat tayo ay mayroong taglay na alat (talents) subalit hahayaan na lamang ba natin itong mabulok at ibuburo na lamang? Ang bawa’t isa sa atin ay maaaring magbigay ng kaniyang ambag para tulungan ang naghihikahos nating bansa. Gayundin sa taglay nating liwanag.

Hindi matatawag na “alat” ang pagpo-post natin ng mga pagpuna sa social media. Yun lamang bigyan natin ng makakain ang isang taong nagugutom ay nagagamit na natin ang ating alat.

Yun lamang tulungan natin ang isang makasalanan na magbalik loob sa Panginoong Diyos at mapakag-bagong buhay ay nagagamit na natin ang ating liwanag.

MANALANGIN TAYO:

Panginoong Hesus. Tulungan mo po nawa kami na maggamit ang aming alat at liwanag para makatulong sa aming kapwa. Huwag sana naming hayaan na mawalan ito ng silbi.

AMEN