Kadiwa

DA nagbukas ng 3 KADIWA stores sa Bacolod

Cory Martinez Jun 5, 2025
26 Views

TATLONG KADIWA ng Pangulo centers ang inilunsad ng Department of Agriculture (DA) sa Bacolod City para mas marami pa ang makinabang sa P20/kilo rice program ng pamahalaan.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., ang paglunsad ng mga Kadiwa store lalong nagpainit sa kolaborasyon sa lokal at national na mga ahensya ng gobyerno kasama ang pribadong sektor.

“Ang paglulunsad sa P20 rice program ni Pangulong Marcos hindi lamang nagpaningas ng bagong pag-asa sa mga mahihirap at mahinang sektor ng mga Pilipino dahil ginising din nito ang diwa ng bayanihan sa buong bansa,” ani Tiu Laurel.

Babalikatin ng Bacolod City government ang subsidiya para sa P20/kilo rice program na layuning makapaghatid ng mura at de-kalidad na bigas sa mga mahihirap na pamilya, solo parents, mga may kapansanan, senior citizens at mga obrerong tumatanggap lang ng arawang sahod.

Nag-order ang Bacolod City sa Food Terminal Inc.–ang marketing arm ng DA mula sa National Food Authority–para sa 5,800 sako ng bigas.

Tiniyak ni FTI President Joseph Lo na mayroong sapat na supply ang ahensya upang punan ang pangangailangan ng Bacolod sa buong panahon ng P20/kilo rice pilot na tatakbo hanggang Disyembre.

Samantala sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, pinuno ng DA Agribusiness Marketing and Consumer Affairs at tagapangasiwa ng KADIWA program, ang paglulunsad ng KADIWA stores sa Bacolod City nagbigay ng 87 outlets na nag-aalok ng P20/kilo rice.

Sa ginanap na aktibidad, ginawaran ng Philippine Rice Research Institute ang provincial government ng Negros Occidental ng certificate of allocation para sa 96,550 bags ng butil para sa 44,514 ektarya ng palayan sa lalawigan para sa wet season.