SCO sa owner ng SUV na plaka tinakpan pinadala ng LTO

Jun I Legaspi Jun 5, 2025
40 Views

NAG-isyu ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, para sa may-ari ng sports utility vehicle (SUV) na kitang-kita sa viral video na iniwasan ang No-Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, namonitor ng social media team ng ahensya ang viral video kaya’t naglabas sila ng SCO upang linawin ang insidente sa rehistradong may-ari ng nasabing sasakyan.

Makikita sa video ang isang puting SUV na may nakakabit na bike carrier sa likuran, na siyang nakaharang sa plaka ng sasakyan habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada. Ilan netizens ang nagsabing bahagi ng modus ang paglalagay ng bike carrier upang makaiwas sa NCAP.

“Kagaya ng aming nakagawian sa mga kaso ng SCO issuance, bibigyan natin ng pagkakataon ang may-ari na makapagpaliwanag, at bahagi ng aming imbestigasyon ang pagtukoy kung maaari ba siyang panagutin,” ani Asec. Mendoza.

Nilagyan na rin ng alarm ang plaka ng SUV upang maiwasan ang anumang transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.