Calinisan

NAPOLCOM ini-streamline dismissal proceedings

Jun I Legaspi Jun 5, 2025
68 Views

UPANG tiyakin ang epektibo, responsable at napapanahong pamamahala ng hustisya, iniutos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang streamlining sa buong proseso ng summary dismissal proceedings sa mga kasong administratibo ng mga pulis upang tiyakin ang mabilis na resolusyon sa loob ng 60 araw mula sa pagsampa ng reklamo.

Sa ilalim ng kautusang nilagdaan ni NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente R. Calinisan, inilatag ng ahensya ang detalyado at tiyak na iskedyul na sumasaklaw sa lahat ng yugto ng summary dismissal process.

Pinagtibay ng pagbabago sa proseso ang mandato ng NAPOLCOM sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 6975 na inamyendahan ng RA 8551 upang tiyakin ang mabilis na hustisya at mapanatili ang propesyonalismo sa Philippine National Police (PNP).

“Ito’y hustisya na may pagkilos. Sa pamamagitan ng malinaw na timeline at pananagutan ng bawat isa, titiyakin natin na ang mga reklamo laban sa mga pulis malulutas nang mabilis—walang pagkaantala, walang kawalan ng hustisya,” sabi ni Atty. Calinisan.

“Ang layunin namin simple ngunit matapang: walang kasong magtatagal nang sobra. Kumikilos kami nang mabilis, patas, at walang takot,” dagdag niya.

Kabilang sa mga pangunahing pagbabago, inaatasan ng kautusan na matapos ang paunang pagsusuri ng reklamo sa loob ng isang araw ng trabaho, habang ang pre-charge investigation kailangang masimulan sa loob ng dalawang (2) araw ng trabaho.

Ang mga respondent may limang (5) araw upang isumite ang kanilang counter-affidavit at pagkatapos nito, ang imbestigasyon apat matapos sa loob ng tatlong araw.

Ang summon dapat ihatid sa loob ng dalawang araw, at ang respondent kinakailangang magsumite ng sagot sa loob ng pitong araw.

Ang pre-hearing conference ay kailangang maisagawa sa loob ng tatlong araw matapos matanggap ang sagot. Ang position papers dapat isumite sa loob ng pitong araw at ang clarificatory hearing, kung kinakailangan, dapat gawin sa loob ng dalawang araw.

Ang hearing officer dapat magsumite ng ulat ng imbestigasyon sa loob ng pitong araw at ang NAPOLCOM En Banc may 14 na araw upang maglabas ng desisyon.