Calendar
4 Tsino na may mga kaso naharang ng BI sa NAIA
ALINSUNOD sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaharang sa apat na Tsino na nagtangkang iwasan ang inspeksyon ng immigration authorities sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Lunes.
Naharang ang apat ng mga opisyal mula sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng ahensya habang sinusubukan nilang sumakay sa magkahiwalay na mga flight patungo sa China at Vietnam.
Kinilala silang sina Zhang Zhaoya, Wang Linmei, Qi Xiangyang at Chen Wenda, na nasangkot sa iba’t-ibang kaso.
Si Zhang lumalampas na sa itinakdang visa mula pa noong Hulyo 2024, habang sina Wang at Qi kapwa lumalagpas na sa visa simula noong Setyembre 2024.
Si Chen, bagama’t may hawak na balidong working visa, natuklasang walang Emigration Clearance Certificate (ECC).
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mabilis na aksyon ng mga tauhan ng I-PROBES at binigyang-diin ang kahalagahan ng ganitong mga hakbang sa pagprotekta sa pambansang seguridad.
“Ipinapakita ng interception na ito ang matibay na paninindigan ng Bureau na pigilan ang mga dayuhang lumalabag sa ating batas sa imigrasyon na makatakas sa pananagutan.
Kami ay nagpapatupad ng mas matibay na inspeksyon, gumagamit ng CCTV monitoring systems at pinapalakas ang koordinasyon ng aming mga yunit upang maiwasan ang ganitong mga pagtatangka,” sabi ni Viado.
Kinumpirma rin ni Viado na tatlong immigration officers ang iniimbestigahan dahil sa posibleng pakikipagsabwatan sa mga pasaherong naharang.

