Kidnap

Vietnamese kinidnap, ginahasa ng grupo, vinideo

Edd Reyes Jun 6, 2025
394 Views
Kidnap1
Iniharap ni Makati police chief P/Col. Jean Dela Torre kay Southern Police District Director Joseph Arguelles ang mga nadakip na Chinese national matapos iligtas ng mga pulis ang biktima ng mga ito na babaeng Vietnamese.

NAILIGTAS ng pulisya ang 33-anyos na babaeng Vietnamese na ginawang sex slave ng mga dayuhang Chinese national matapos matunton Biyernes ng madaling araw sa isang condominium sa Makati City.

Iniharap ni Makati police chief P/Col. Jean Dela Torre kay Southern Police District (SPD) Director Joseph Arguelles ang mga nadakip na sina alyas “Lei” na 32-anyos, alyas “Xing” na 33-anyos at alyas “Zhou” na 38-anyos, matapos madakip sa isang unit ng condominim sa Barangay San Lorenzo ng hatinggabi kung saan nila ikinulong at ginagahasa ang biktima.

Lumabas sa imbestigasyon na napaniwala ng mga suspek ang biktima na magkikita sila ng kaniyang kaibigan sa isang condominium sa Bel Air noong Hunyo 2 subalit pagdating niya sa lugar, puwersahan na siyang dinala sa isang condominium sa San Lorenzo at dito na halinhinang pinagsamantalahan.

Dinala pa ang biktima sa Tagaytay kung saan siya puwersahang pinagamit ng ilegal na droga at halinhinang ginahasa habang kinukuhanan ng video ng dalawa pang kalalakihan.

Nang bumalik sila sa Makati, dito na humingi ng ransom na 500 milyong Vietnamese dong na katumbas ng P1 milyon ang mga suspek sa asawa ng biktima na nagtatrabaho sa ibang bansa at nagbanta na puputulin ang daliri ng ginang kapag hindi ibinigay ang salapi.

Humingi naman ng tulong ang mister ng biktima sa isang kaibigang Vietnamese sa Pilipinas na siyang nagsumbong sa Makati police sa ginawang pagdukot sa biktima at paghingi ng ransom ng mga suspek.

Dito na pinakilos ni Dela Torre ang kapulisan, kasama ang puwersa ng District Mobile Force Battalion (DMFB), Special Weapon and Tactics (SWAT) at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) hanggang sa matunton at tuluyang madakip nila ang mga suspek, kasama ang biktima, sa isang condominium sa Brgy. San Lorenzo.

Nasamsam sa mga suspek ang isang kalibre .9mm Taurus na may suppressor na kargado ng siyam na bala sa magazine, isang kalibre .22 pistol na may 22 bala sa nakalagay na magazine, 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000, isang botelya ng hinihinalang liquid ecstasy, Starex van, dalawang cellphone at iba’t ibang uri ng drug paraphernalia.

Batay sa rekord ng pulisya, marami ng kasong kinasasangkutan si alyas “Lei,” kabilang ang kidnapping, illegal detention, illegal possession of firearms at carnapping.