Calendar

Zero billing sa mga pampublikong ospital isusulong ng 1-TAHANAN Party List sa 20th Congress
BUNSOD ng napakalaking suliraning kinakaharap ng mga mahihirap na Pilipino sa aspeto ng pagpapagamot at pagpapa-ospital, isusulong ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty Nat” Oducado ang “zero billing” sa mga pampublikong ospital hindi lamang sa Capiz bagkos sa buong Pilipinas.
Ito ang isa sa mga mahahalagang panukalang batas na pinagpa-planuhang ihain ng baguhang kongresista sa Kamara de Representantes kaugnay sa napipintong pagpasok ng bagong batch ng mga mambababtas sa ilalim ng 20th Congress.
Paliwanag ni Oducado na bago pa man siya nahalal na Kinatawan ng 1-TAHANAN Party List group ay nakita at naramdaman na umano nito ang pagdurusa ng maraming mahihirap na mamamayan sa tuwing mayroong magkakasakit sa kanilang pamilya. Kung saan, hindi nila malaman kung saan sila kukuha ng pambayad sa ospital at pambili ng gamot.
Pagbibigay diin ni Oducado na ang ilan din sa ating mga kababayan ay halos nalulubog sa napakalaking pagkaka-utang, habang ang iba naman ay nasasaid ang kanilang kabuhayan dahil naubos ang lahat ng kanilang naipon para lamang mabayaran ang napakalaking hospital bill at mga kailangang bilhing gamot para sa kanilang mahal sa buhay o kapamilya.
Dahil dito, sabi ng kongresista na napapanahon na upang magkaroon talaga ng panukalang batas na tutugon sa matagal ng problema ng mga mahihirap na Pilipino sa tuwing mayroon na lamang magkakasakit sa kanilang pamilya o kamag-anak sa pamamagitan ng napakalaking bayarin sa ospital kasama na ang mga gamot para sa mahihirap na pasyente.
Paliwanag pa ni Oducado na ang kanilang adbokasiya ay hindi lamamg para sa mga Pilipinong walang maayos na tahanan. Bagkos, para na rin sa mga naghihikahos na mamamayan na walang kakayahang tustusan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay kabilang na ang pagpapagamot.
“Isa sa mga isusulong natin ay ang zero billing hospitalization upang maiwasan gamitin ng mga politiko ang hospital assistance kung saan ang mga nakakatanggap ng tulong ay nagkakaroon ng utang na loob sa kanila. Iyan ang isa sa mga tututukan natin sa pagpasok ng 20th Congress,” wika ni Oducado.