Calendar

PEZA pinasalamatan ni BuCor chief Catapang sa pag-apruba sa Palawan Mega Ecozone
NAGPAHAYAG ng taos-pusong pasasalamat si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa Board of Directors ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) matapos aprubahan kamakailan ang Palawan Mega Ecozone—ang kauna-unahang mega eco-industrial zone sa bansa.
Ayon kay Catapang, isa itong mahalagang hakbang tungo sa pambansang kaunlaran, alinsunod sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa patnubay ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ang makasaysayang proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan ng PEZA at BuCor, na layuning gawing makabuluhan at kapaki-pakinabang ang malawak na lupain sa loob ng Iwahig Penal Colony, sa pamamagitan ng paglikha ng mga industriyang maka-kalikasan at makabago.
Saklaw ng proyekto ang humigit-kumulang 28,000 ektarya, kung saan 4,000 ektarya ay nakatakda nang paunlarin sa unang yugto ng implementasyon.
Ayon kay Catapang, ang matagumpay na pagpapatupad ng Palawan Mega Ecozone ay maaaring magsilbing modelo ng pagsasanib ng sustainable practices at industrial development, habang pinatitibay ang resilience ng ekonomiya sa rehiyon.
Dagdag pa ni Catapang, ang ecozone ay magsisilbi ring susi sa makabagong reporma sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF)—isa sa pinakamalalaking open-air correctional facilities sa buong mundo—upang ito ay maging balanse sa pagitan ng kaunlarang pang-ekonomiya, pangkalikasan, at makataong pamamalakad sa kulungan.
Kabilang sa plano ng modernisasyon at redevelopment ng IPPF ang pagtatayo ng mga world-class infrastructure, commercial at mixed-use zones, institutional areas, eco-tourism destinations, at agro-industrial projects.
“Ang proyektong ito ay magbubukas ng malalaking oportunidad sa ekonomiya habang isinusulong ang panlipunan at pangkalikasang pananagutan, kaya’t ito ay maituturing na isang pangunahing destinasyon para sa mga mamumuhunan,” ani Catapang.
“Sa taglay nitong estratehikong lokasyon, malawak na lupain, at buong suporta ng pamahalaan, tiyak na mababago nito ang anyo ng urban planning, green energy solutions, at mga economic zone—na magsisilbing pamantayan ng sustainable development sa bansa,” dagdag pa niya.