Martin OFW GLOBAL CENTER HK – Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang pagbubukas ng DMW–OWWA OFW Global Centre at paglulunsad ng Bagong Bayani ng Mundo–OFW Serbisyo Caravan sa Hong Kong nitong Linggo ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing abot-kamay ang mga serbisyo ng gobyerno sa bawat Pilipino sa ibang bansa.

Gobyerno inilapit sa mga OFW sa HK mga serbisyo nito

22 Views

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga overseas Filipino worker (OFW) na mas magiging abot-kamay ang mga serbisyo ng pamahalaan sa kanila, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Inihayag ito ni Speaker Romualdez sa pagbubukas ng DMW–OWWA OFW Global Centre at ng Bagong Bayani ng Mundo–OFW Serbisyo Caravan sa Hong Kong nitong Linggo.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad ang mga miyembro ng Kamara de Representantes, mga opisyal mula sa sektor ng paggawa at OFW affairs na pinamumunuan ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac, at iba pang opisyal mula sa ibang mga ahensya ng gobyerno.

“Today, we open not just the doors of a new facility — we open the doors to better service, deeper care, and a stronger commitment to our Bagong Bayani — our OFWs,” ani Speaker Romualdez.

Sinabi niya na ang DMW–OWWA OFW Global Centre ay nagmula sa malinaw na direktiba ni Pangulong Marcos na gawing mas accessible ang mga serbisyo ng gobyerno sa bawat Pilipino sa ibang bansa.

Binigyang-diin din niya na ang mga kinatawan ng pangunahing mga ahensya ng gobyerno ay lumipad patungong Hong Kong upang personal na ihatid ang mga frontline services para sa mga OFW.

“Kasama rin natin ngayon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na lumipad at lumapit sa inyo, dala ang kanilang serbisyo—mula sa SSS, Pag-IBIG, PhilHealth, hanggang sa DSWD, PSA, PRC, at marami pang iba. This is the spirit of the Bagong Bayani ng Mundo–OFW Serbisyo Caravan,” aniya.

“We are bringing the whole of government to you — hindi n’yo na kailangang umuwi para mag-asikaso ng inyong mga pangangailangan. Ang gobyernong tunay na nagmamahal sa OFW — ang gobyernong marunong lumapit, makinig, at kumilos,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Ipinahayag din niya ang malaking karangalan na makasama ang mga OFW sa Hong Kong, na inilarawan niya bilang isa sa mga pinakamasipag, matatag at inspiradong komunidad ng mga Pilipino sa buong mundo.

Dagdag pa niya, sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga Pilipinong manggagawa sa Chinese Special Administrative Region ay magkakaroon ng sariling lugar para sa pagsasanay, pagpapabuti, at kahit sa simpleng tahimik na pag-inom ng kape tuwing day off o araw ng kanilang pahinga.

“This center is yours — it is a home away from home. Kung may bagong puso ang Bagong Pilipinas, kayo po iyon — ang ating mga OFW,” diin ni Speaker Romualdez.

Tiniyak niya na nananatiling buo ang suporta ng Kamara sa pagsusulong ng mga batas na poprotekta, magpapalakas at magbibigay-pugay sa mga OFW.

“You deserve nothing less. Because when we talk about building a Bagong Pilipinas, we’re not just building it for you — we’re building it with you. Hindi kayo extra sa kuwento ng Pilipinas — kayo ang bida. At ang tungkulin namin: tiyaking hindi nasasayang ang bawat luha, pagod, at tagumpay ninyo para sa bayan,” aniya.

Bilang pagkilala sa napakalaking sakripisyo ng mga OFW para sa kanilang pamilya at sa bansa, muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang pangako ng pamahalaan na ipaglaban ang kanilang karapatan at kapakanan.

“You have sacrificed so much. You have given so much. Kaya’t kami sa pamahalaan ay lalaban para sa inyo — para sa inyong karapatan, para sa inyong kinabukasan, at para sa kinabukasan ng inyong pamilya,” wika niya.

“Let this center be a symbol of our commitment to serve — not just in words, but in action. Ang pangarap ninyong mabigyan ng magandang buhay ang inyong pamilya — pangarap din namin ‘yan. Kaya’t sabay tayong kikilos. Sama-sama. Para sa Bagong Pilipinas,” dagdag pa niya.

Nagbigay rin ng mga espesyal na mensahe sa event sina Tingog Party-list Representatives Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.

Ipinaabot din ni Speaker Romualdez ang kaniyang pasasalamat kina Cacdac, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Caunan, iba pang opisyal ng pamahalaan at mga miyembro ng Kamara sa kanilang sama-samang pagsisikap upang maisakatuparan ang OFW Global Centre sa Hong Kong.