Preso

Kulong na, may bagong warrant of arrest pa

Edd Reyes Jun 8, 2025
18 Views

NAKAKULONG na, naisyuhan pa ng warrant of arrest para sa mas mabigat na kaso ng paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act ang 55-anyos na pinaghihinalaang illegal recruiter noong Biyernes sa Caloocan City.

Una nang nadakip ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles si alyas Roderick dahil sa patung-patong na kasong illegal recruitment matapos ireklamo ng kanyang mga nabiktima.

Habang nakapiit sa Caloocan police station, nakakuha ng isa pang warrant of arrest galing kay Quezon City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Catherine Monodon ng Branch 104 laban kay alyas Roderick para sa kasong syndicated illegal recruitment sa ilalim ng RA 8042.

Ayon kay NPD Director P/BGen. Josefino Ligan, isinilbi ng kapulisan ang warrant of arrest gamit ang alternative recording device (ARD) alinsunod na rin sa umiiral na panuntunang ipinatutupad ng Korte Suprema para sa wastong paghahain ng warrant of arrest ng pulisya sa sinumang akusado.