Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Chiz

Aksyon ng 20th Kongreso hinihintay sa impeachment ni VP Sara

327 Views

IPINAHAYAG ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na handang sumunod ang Senado sa itinakdang legal at konstitusyunal na proseso kaugnay ng impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Nilinaw niya na hindi maaaring umusad ang paglilitis hangga’t hindi natutugunan ng Ika-20 Kongreso ang mga kinakailangang kondisyon.

Sa isang press conference nitong Hunyo 11, isinaad ni Escudero ang tatlong dokumentong opisyal na inilabas ng Senado: (1) isang liham sa House of Representatives na nagpapaliwanag kung bakit hindi maaaring ituloy ang presentasyon ng kaso, (2) isang kautusang humihiling ng pagsunod sa probisyon ng Konstitusyon hinggil sa isang taong pagbabawal sa muling pagsusumite ng impeachment complaint, at (3) isang summons para sa Pangalawang Pangulo, na inilabas lamang pagkatapos pormal na mabuo ang impeachment court.

“Ang 3 dokumento ang pinirmahan ko… una ang liham sa Kamara… pangalawa inilabas ko ang mga pinagboto ang orders ng Impeachment Court… sunod na order ay summons…” paliwanag ni Escudero.

Nilinaw rin niya na ang pagbabalik ng articles of impeachment sa Kamara ay hindi nangangahulugang ibinasura na ang kaso.

“How can we issue summons if we do not have jurisdiction?” tanong niya, at binigyang-diin na ang hurisdiksyon ng Senado bilang impeachment court ay nananatili. Aniya, ang naging boto ay para sa paglilinaw, hindi para sa pagbabasura ng reklamo.

Ayon kay Escudero, may dalawang pangunahing rekisito bago maipagpatuloy ang proseso: una, kailangang mapatunayan na nasunod ang isang-taong ban; at ikalawa, kailangang maglabas ang Ika-20 Kongreso ng pormal na pasya kung nais pa nitong ituloy ang kaso.

“‘Yung mga agam-agam kaugnay sa interesado pa ba ang 20th Congress… lahat ‘yun… masasagot na,” ani Escudero.

Ipinunto rin niyang sa usapin ng impeachment, ang Senado ay nagsisilbing korte habang ang Kamara ay taga-usig—at sa ganitong konteksto, hindi sila pantay.

“Hindi ito House at Senate kung saan co-equal… Sa parte ng impeachment, korte ang Senado, prosecutor ang Kamara,” giit niya.

Sinagot din ni Escudero ang mga batikos na minadali umano ang kaso bago matapos ang Ika-19 Kongreso.

“May 1 taon nilang inupuan ito, tapos ngayon sila ‘yung gigil-nagigil at nagpamadali,” aniya, patungkol sa timing ng transmittal ng impeachment complaint.

Ipinagtanggol din niya ang kalayaang magsalita ng mga senator-judges: “Hindi para sa akin o kaninuman ipagbawal ang lalabas at sasambitin ng kanilang mga bibig… bawat impeachment judge may kalayaan magsalita.”

Binigyang-linaw pa ni Escudero na bagaman may ilang nagpapakahulugan na ang pagbabalik ng articles ay katumbas ng dismissal, hindi ito opisyal na pagbabasura.

“Kahit nakalagay without dismissing… ang tingin pa rin ng iba ay dismiss… each senator-judge is free to speak as they wish,” dagdag niya.

Dagdag pa rito, binuksan din niya ang posibilidad ng pagsangguni sa Korte Suprema kung may legal na usapin, subalit iginiit niyang ang Senado ay may sariling kakayahang talakayin ang konstitusyunal na aspeto ng kaso.

“Siyempre pwede… Siyempre malaya naming pwedeng pagdebatihan ‘yan,” aniya.

Sa kanyang pagtatapos, sinabi ni Escudero na nagampanan na ng Senado ang tungkulin nito sa ilalim ng Ika-19 Kongreso. Aniya, ang kapalaran ng reklamo ay nakasalalay na sa magiging desisyon ng Ika-20 Kongreso.

“Walang naaksayang panahon dahil nagawa namin lahat… habang naghihintay tayo ng resumption ng sesyon ng 20th Congress,” pagtatapos niya.