Calendar

Kahoy na bangka na may sakay na 90 katapo nasagip sa Tawi-Tawi
LUNGSOD NG ZAMBOANGA – Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng BRP General Mariano Alvarez (PS176) ang isang kahoy na bangkang may sakay na 90 katao matapos itong magkaaberya sa dagat malapit sa Tawi-Tawi, ayon sa Western Mindanao Naval Command (WMNC) nitong Biyernes.
Ayon kay Capt. Hilarion Cecista, pansamantalang kumander ng WMNC, nailigtas ang bangkang M/L Len-Lyn malapit sa baybayin ng Languyan, Tawi-Tawi noong Huwebes ng gabi.
Sinabi ni Cecista na agad nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng PS176 matapos makatanggap ng distress call bandang 1:30 ng hapon sa pamamagitan ng Viber mula sa isang pasahero ng M/L Len-Lyn. Ipinabatid ng pasahero na nagkaroon ng aberya sa makina ang kanilang sasakyan mga 3.4 nautical miles hilaga ng Tumbagaan Island.
Ang M/L Len-Lyn ay umalis mula sa bayan ng Pangutaran sa Sulu at patungo sana sa isla ng Sibutu sa Tawi-Tawi nang mangyari ang aberya.
“Agad na tumungo ang PS176 sa huling natukoy na lokasyon ng M/L Len-Lyn at natagpuan ang bangka na palutang-lutang malapit sa Isla ng Languyan,” ani Cecista.
Matagumpay na naihatak ng PS176 ang nasabing bangka patungo sa Chinese Pier sa Bongao, Tawi-Tawi.
Sa oras na natanggap ang distress call mula sa M/L Len-Lyn, nagsasagawa ng rutinang maritime security operation ang PS176. Philippine News Agency