Drug, murder suspek timbog sa Laguna

Bernard Galang Jun 13, 2025
29 Views

ARESTADO ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 3 ang lalaking umano’y sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga at murder sa Sta. Cruz, Laguna.
Ayon kay CIDG Region 3 chief Col. Richard Bad-Ang, inaresto ang suspek na si alyas Dizon, 35, ng pinagsanib na pwersa ng CIDG New Ecija PFU at Angeles City Police sa Lynville subdivision sa Sta. Cruz, Laguna.

Dagdag pa ni Bad-Ang, ang suspek ay sangkot sa ilang kaso ng pagpatay at ilegal na droga sa Pampanga at Laguna.

Naaresto siya sa Santo Angel Sur sa Sta. Cruz, Laguna noong Hulyo 23, 2015 at sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Marso 14, 2020.

Habang nakakulong sa Mabalacat police station, siya ay nasangkot din sa pagpatay sa kanyang kasamang detainee at sinampahan ng kasong homicide.

Noong Pebrero 12, 2024, ang RTC Branch 18 ng Angeles City ay naglabas ng warrant laban sa kanya para sa homicide.

Nasamsam sa suspek ang ilang sachets ng shabu at baril dahilan para sampahan siya ng mga kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9165.

Noong Setyembre, 2024, sinampahan din siya ng kasong murder matapos masangkot sa pagpatay sa isang Army reservist na umano’y lover ng kanyang live-in partner sa Angeles City.

Noong Enero 20, inilabas ng RTC Branch 56, Angeles City ang warrant para sa pagpatay sa sundalo ng suspek.