Calendar

PDEA, courier company nagsanib-pwersa sa giyera kontra droga
NILAGDAAN ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa pangunguna ni Undersecretary Isagani R. Nerez, ang isang kasunduan kasama ang courier company na Flash Express Philippines upang labanan ang paggamit ng online door-to-door delivery services sa ilegal na droga.
Pinirmahan nina Usec. Nerez at Reginald Rex Pumihic, Deputy Director for Communications ng Flash Express Philippines, ang memorandum of agreement sa PDEA National Headquarters sa Quezon City.
Layunin ng kasunduan ang pagtutulungan ng PDEA at ng nasabing pribadong kumpanya upang pigilan ang paghahatid o pagbibiyahe ng mga package na naglalaman ng illegal drugs at controlled precursors and essential chemicals (CPECs) sa bansa.
Nangako rin ang Flash Express na hikayatin ang kanilang mga accredited delivery drivers na agad iulat sa PDEA ang anumang kahina-hinalang package na posibleng naglalaman ng ilegal na droga. Magsasagawa rin ang kumpanya ng mga polisiya upang mapanatili ang isang drug-free workplace.
Ayon sa kinatawan ng Flash Express, “Sa pamamagitan ng kasunduang ito, nagsasagawa kami ng mga proaktibong hakbang upang iayon ang aming operasyon sa pambansang kampanya kontra droga.”
Binigyang-diin naman ni Usec. Nerez ang kahalagahan ng kasunduan, dahil posible pa ring magkaroon ng mga package na maling dineklara o nilinlang ang kumpanya, na ang layunin ay makapagdala ng ilegal na droga.
“Ang ganitong sitwasyon ay maaaring magamit ang isang delivery driver nang hindi niya alam bilang kasangkot sa drug trafficking, sa pamamagitan ng paghahatid ng kontrabando direkta sa pintuan ng parokyano,” paliwanag ni Nerez.
Kaugnay nito, kinakailangan na inspeksyunin ng mga driver ang package bago ito tanggapin para sa delivery.
“Kung tumanggi ang kliyente na ipa-inspeksyon ang package, may karapatan ang driver na tumanggi sa serbisyo at kanselahin ang transaksyon,” dagdag pa niya.
Bago pa man ang kasunduang ito, nakipag-ugnayan na ang PDEA sa iba’t ibang domestic courier companies upang tuluyang mapigil ang pagpapadala ng mga package na may lamang ilegal na droga.
Ayon kay Nerez, “Ang isang kultura ng pagtutulungan kasama ang iba’t ibang sektor sa kampanya kontra droga ay isa sa pinakamabisang paraan upang labanan ang napakalaking suliraning ito.”