LTO Source: LTO FB

May-ari, driver ng van sa Tagaytay crash malaki ang pananagutan — LTO

Jun I Legaspi Jun 19, 2025
22 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na habulin ang mga pasaway na motorista, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang rehistradong may-ari at ang drayber ng van na sangkot sa malagim na aksidente sa Tagaytay City na ikinasawi ng tatlong katao, kabilang ang isang buntis.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, bahagi ng imbestigasyon ang pagpapalabas ng show cause order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng Nissan Grand Livina upang ipaliwanag kung bakit niya pinahintulutang imaneho ito ng isang taong walang sapat na kwalipikasyon at pinaniniwalaang pabaya sa kalsada.

“Nakikipag-ugnayan din kami sa lokal na pulisya upang makuha ang mga kinakailangang ebidensiya, kabilang ang opisyal na ulat na nagsasabing lasing ang drayber noong mangyari ang insidente,” ani Mendoza.

“Tatlo ang namatay dito, at may kasama pang buntis. Malaki ang pananagutan ng may ari ng sasakyan at yung nagmamaneho nito lalo pa na may lumalabas sa report na lasing ang driver nung van,” dagdag pa niya.

Batay sa ulat na natanggap ng LTO Region 4A sa pangunguna ni Regional Director Elmer Decena, naganap ang insidente sa bypass road sa Barangay Zambal, Tagaytay City, kung saan bumangga ang van sa kasalubong na sedan.

Nasawi ang drayber at dalawang pasahero ng sedan, kabilang ang buntis, habang sugatan naman ang drayber at apat pang sakay ng van.

Sinabi ni RD Decena na pinagpapaliwanag na ang rehistradong may-ari ng van kung bakit hindi siya dapat papanagutin sa insidente.

“Ikaw ay inaatasang magsumite ng sinumpaang paliwanag sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng kautusang ito, kalakip ang lahat ng kaugnay na dokumentong magpapabulaan sa mga nasabing alegasyon, upang maipakita kung bakit hindi ka dapat maharap sa kasong administratibo sa ilalim ng mga umiiral na batas, alituntunin, at regulasyon, at/o kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang rehistro ng iyong sasakyan sa dahilang pinayagan mong imaneho ito ng isang taong hindi kwalipikado,” ayon sa SCO na nilagdaan ni RD Decena.

“Ang hindi mo pagsusumite ng paliwanag ay ituturing na pagtalikod sa iyong karapatan na ipagtanggol ang sarili, at ang Tanggapan na ito ay kikilos batay sa mga ebidensyang hawak nito,” dagdag pa nito.

Dagdag ni RD Decena, isasailalim din sa parehong proseso ang drayber ng van upang pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanyang lisensya dahil sa nasabing insidente.

Nilinaw din ni RD Decena na hiwalay ang imbestigasyong isinasagawa ng LTO sa kasong kriminal na isinampa laban sa drayber batay sa imbestigasyon ng pulisya.