Calendar

Lacson kinatigan Philconsa sa pagsabing kwestyonable ginawang remand ng Senado
NAGPAHAYAG ng babala si senador-elect Panfilo “Ping” Lacson laban sa naging hakbang ng Senado na ibalik sa Mababang Kapulungan ang reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Ayon sa kanya, maaaring ito ay lumagpas sa itinakdang saklaw ng kapangyarihan ng Senado sa ilalim ng Konstitusyon.
Ipinunto ni Lacson na ang salitang “remand” ay hindi matatagpuan sa Artikulo XI, Seksyon 3 ng 1987 Konstitusyon. “All lawyers should know this legal maxim: ‘Expressio unius est exclusio alterius’ (What the law does not include, it excludes),” ani niya sa isang post sa X.
Kinatigan niya ang pananaw ng Philippine Constitutional Association, na nagsabing kuwestiyonable sa aspetong legal ang ginawang remand ng Senado. Idinetalye pa ni Lacson na kung ang hakbang na ito ay maituturing na “grave abuse of discretion,” maaari itong dalhin sa Korte Suprema para sa judicial review.
Sa kabila ng kanyang babala, nilinaw ni Lacson na hindi siya nagbibigay ng opinyon sa merito ng reklamong impeachment. Sa halip, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsunod sa wastong proseso at probisyon ng Saligang Batas.
Bilang paghahambing, inalala rin ni Lacson ang naging pag-usad ng impeachment trial noong 2012 laban kay dating Chief Justice Renato Corona. Tinukoy niya kung paanong nagbago ang pananaw ni dating Senate President Juan Ponce Enrile mula sa posibleng pagpapawalang-sala patungo sa paghatol, matapos marinig ang lahat ng ebidensiya. “Amazing memory at 101,” aniya, bilang papuri sa gunita ni Enrile.
Sa gitna ng usapin, muling ipinaalala ni Lacson na kahit mga desisyong procedural ng Senado ay kailangang sumunod sa malinaw na limitasyon ng Konstitusyon.