Abante House spokesperson Atty. Princess Abante

Kamara nilinaw rekord sa San Juanico Bridge: ‘Ano ang aktwal na ambag?’

24 Views

NILINAW ng Kamara de Representantes ang isyu kaugnay ng umano’y kakulangan sa budget ng San Juanico Bridge, bilang tugon sa mga naging pahayag ni Sen. Imee Marcos na napabayaan ito.

Sinabi ni House spokesperson Atty. Princess Abante na madali lang ang pumuna, ngunit ang tunay na kailangan ngayon ng Eastern Visayas ay tuloy-tuloy at aktwal na suporta—hindi lang mga soundbite.

“Gusto lang po naming ituwid ang mga maling akala. Hindi totoo na pinabayaan ng Kongreso ang San Juanico Bridge. Simula pa po noong 2018, taon-taon nang may pondo na inilaan para sa rehabilitasyon ng tulay,” ani Abante.

Tinukoy niya ang aktwal na halaga ng pondo: “P27M noong 2018, P22M noong 2019, P105M noong 2021, P90M noong 2022, P150M noong 2023 at may proposal na P400M para sa 2026.”

Dagdag pa niya, si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na nagmula sa Leyte ang personal na nanguna upang matiyak ang pagsulong ng mga inisyatibong ito.

“Ginawa na ng Kongreso, lalo na ni Speaker Martin Romualdez, ang trabaho niya: nagtulak ng pondo, nag-follow up at personal na tumutok sa usapin ng tulay,” ani Abante.

Binanggit din niya na noong Hunyo 5, nakipagpulong si Rep. Jude Acidre kay Public Works Secretary Manuel Bonoan alinsunod sa utos ng Speaker upang pabilisin ang pagsasaayos at pagrepaso sa proyekto.

Higit pa sa panandaliang solusyon, itinutulak din ni Speaker Romualdez ang panukala para sa ikalawang San Juanico Bridge, aniya.

“Plano rin niyang itulak ang ikalawang San Juanico Bridge para hindi na maulit ang ganitong problema,” ani Abante.

Direkta namang hinarap ni Abante si Senador Marcos: “Noong kampanya, proud siyang sabihing ‘taga-Leyte’ siya. Tarpaulin dito, picture doon. Sinasabing may dugo rin siyang Waray. Pero ngayong may krisis, imbes na tumulong, puro sisi?”

“Kaya tanong lang po: ano na po ba ang aktwal ninyong ambag sa San Juanico Bridge?” usisa niya.

“Kahit karatulang may nakalagay na ‘This Way to San Juanico Bridge’ man lang, meron ba?” dagdag pa niya.

Nilinaw ni Abante na hindi kakulangan sa pondo ang dahilan ng pagkaantala, kundi ang problema sa implementasyon.

“Ang totoo, hindi problema ang budget. Ang problema ay ‘yung kakulangan sa koordinasyon, contingency plans at maagang aksyon ng mga ahensya,” aniya.

Tinapos niya ang pahayag sa panawagan para sa pagkakaisa at makabuluhang pagkilos: “Kung tunay tayong nagmamalasakit sa mga taga-Leyte at Samar, tumigil na tayo sa pasaring. Trabaho muna bago pulitika. Hindi ‘to panahon ng paandar—panahon ‘to ng pagtutulungan.”