Calendar

DOTr: Cash iwasan na, GCash, PayMaya pwede na sa MRT, LRT
BILANG tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas maginhawa ang pampublikong transportasyon, papayagan na ang mga pasahero ng Light Rail Transit at Metro Rail Transit na magbayad gamit ang debit, credit card, GCash at PayMaya.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, magsisimula na ang ahensya sa paglalagay ng mga cashless turnstile para sa bagong Automatic Fare Collection (AFC) system sa mga istasyon ng LRT at MRT simula Hulyo 2025.
Sa sistemang ito, hindi na kailangang bumili o mag-load ng Beep card—ang kasalukuyang ginagamit na contactless smart card para sa pagbabayad ng pamasahe sa tren.
Ang mga pasahero ay maaaring mag-tap na lang ng kanilang telepono o card sa turnstile para mapadali sa biyahe at iwasan ang mahabang pila sa mga ticket booth.
Pinupuri ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang hakbang na ito at nananawagan sa DOTr at sa Toll Regulatory Board na ipatupad din ang kaparehong inobasyon sa sistema ng pagbabayad sa mga tollway.
Sa kasalukuyan, ang mga motorista sa mga pangunahing tollway—kasama ang NLEX, SCTEX, CAVITEX, C5 Link, CALAX, Skyway, SLEX, NAIAX, STAR Tollway, MCX, at TPLEX—ay kailangang gumamit ng RFID system para magbayad.
Katulad ito ng Beep card, kung saan kailangang mag-load ng hiwalay na account na eksklusibong ginagamit sa toll.
Ngunit marami na ang umaangal sa sistemang ito dahil sa “floating money.” Nangyayari ito kung nag-load ang isang motorista ng P1,000 at nagbayad lang ng P400 sa anumang expressway. Ang natitirang P600 ay hindi na magagamit sa ibang transaksyon. Lalo itong nakakainis para sa mga bihirang dumaan sa tollway.
Dagdag pa rito, madalas ding isumbong ng mga motorista ang mga problema gaya ng hindi na-detect na RFID sticker at maling kaltas sa account. Maaaring mabawasan ang mga isyung ito kung papayagan ang alternatibong paraan ng pagbabayad.
Tuwang-tuwa ang LCSP na tinutugunan ng gobyerno ang kahalagahan ng makabagong paraan ng pagbabayad sa pampublikong transportasyon.