Calendar

Valeriano nananawagan kay PBBM para ipatigil na online gambling
PARA kay Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano ang mga mahihirap na nae-engganyong sa “online gambling” ay lalong nalulubog sa kahirapan habang mas pumapaldo o kumikita ang mga celebrity endorsers ng nasabing gambling apps.
Dahil dito, nananawagan si Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang agad nitong ipag-utos ang pagpapawalang bisa sa inisyung permit para sa operasyon ng online gambling.
“I respectfully ask President Marcos, Jr. to order the revocation of any administrative issuances and regulations that allow the existence and operations of any forms of gambling including online casinos and online sports betting by any means,” sabi ni Valeriano.
Binigyang diin ni Valeriano na tanging ang Pangulong Marcos, Jr. lamang ang makakapagpahinto sa laganap na online gambling sa ating bansa kabilang na dito ang online casinos at online sports betting kung saan maraming Pilipino ang nalululong dito.
Ikinatuwiran ng kongresista na dahil lumalala na ang pagkalulong ng mamamayan sa online gambling ilan din sa kanila ang mas lalong nalulubog sa karukhaan partikular na ang mga mahihirap sapagkat sa pagsusugal nauubos ang kanilang kinikita.
“Mahirap na nga ang kanilang kalagayan tapos nagsusugal pa sila dito sa mga online gambling na ito. Eh’ di mas lalo silang naghihirap habang ang mga celebrity endorsers naman ang tumataba ang bulsa dahil sa pag-eendorso nila ng gambling apps,” wika ng mambabatas.
Hinihiling din ni Valeriano sa Department of Justice (DOJ) at sa Executive Branch na pag-aralan at suriing mabuti ang perwisyong idinudulot ng online gambling kasama dito ang pagpapalabas nila ng rekomendasyon gaya ng pagpapataw ng kaparusahan laban dito.
Umaapela din ang Manila solon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Games andf Amusement Board (GAB) upang ipawalang bisa o revocation ng lahat ng lisensiyang inisyu para lumaganap ang online gaming sa Pilipinas.