Calendar

SOCO: Law student ng DLSU walang palatandaan na pinatay
WALANG palatandaan na may naganap na karahasan sa pagkamatay ng 25-anyos na law student ng De La Salle University (DLSU) na si Anthony Granada sa Taguig City, ayon sa mga sumuring miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Nakita sa kuha ng CCTV na sumakay ng ride hailing na Grab mula sa condominium unit niya sa C-5 Road Taguig City dakong alas-6:00 ng gabi noong Hunyo 8 ang biktima.
Noong Hunyo 21 ng hapon nakita ang halos naagnas ng bangkay ni Granada sa bakanteng lote sa Brgy. Sapa, Naic, Cavite.
Ayon sa mga miyembro ng SOCO, wala silang nakitang anumang sugat na posibleng dulot ng karahasan sa katawan ng biktima at kumpleto rin ang kanyang mga personal na gamit na nakuha sa loob ng backpack nito.
Bukod sa kanyang gamit, nakuha rin ng pulisya sa isang botelya ng liquid sosa na ginagamit na panglinis sa mga baradong tubo na dinadaluyan ng tubig at isang milk tea na container.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, hindi biktima ng hazing si Granada kaya’t nararapat lamang na iwaksi na ang hinala na may foul play sa kanyang pagkamatay.
Taong 2023 nagtapos si Granada ng Bachelor of Science in Management Accounting sa UST bago siya nag-enroll ng pag-aaral ng abogasya sa De La Salle University-Rufino Campus sa Bonifacio Global City sa Taguig City.