Martin1

Speaker Romualdez pinuri pagkakaaresto sa mga suspek sa pagpatay sa opisyal ng Kamara

27 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkakaaresto sa dalawang suspek na sangkot umano sa pagpatay kay Director Mauricio “Morie” Pulhin.

Aniya, ito’y isang mahalagang hakbang sa paghahangad ng hustisya at nagbabala na ang mga hindi pa nahuhuli ay tiyak na madadakip.

Si Pulhin, 63, hepe ng technical staff ng House committee on ways and means, ay binaril at napatay noong Hunyo 15 habang ginaganap ang ikapitong kaarawan ng kanyang anak na babae sa Quezon City.

Ang walang takot na pagpaslang sa maliwanag na araw ay ikinagulat ng Kongreso.

“This is a promising development in our search for justice,” ani Speaker Romualdez, na pinupuri rin ang kapulisan, na pinamumunuan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III, sa mabilis na pagkakakilanlan at pag-aresto sa dalawang suspek.

“But this fight is far from over. We will not rest until every person involved—whether gunman, accomplice or mastermind—is held to account,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Nagbigay rin ng matinding babala ang pinuno ng 306-member House of Representatives sa mga suspek na hindi pa nahuhuli.

“The long arm of the law is closing in. There is no safe haven. You will be found, and you will face the consequences of this horrific crime,” aniya.

Ang dalawang suspek, na kinilalang isang middleman at isang lookout, ay inaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan at Quezon City. Sila ay nasa kustodiya na at nahaharap sa kasong murder.

Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay umano’y inupahan ng mag-asawang dating empleyado ni Pulhin at may personal na galit sa biktima.

Ang middleman, na nakilala lamang sa alyas na “Balong,” ay umamin na plano ni Pulhin na magsampa ng kasong qualified theft at estafa laban sa umano’y mga utak ng krimen.

Sinabi ng pulisya na naghanap ang mga suspek ng taong papatay kay Pulhin ngunit hindi pa nababayaran ang mga inupahan.

“This was not only a heinous crime but a betrayal of decency. Morie was a respected public servant and a devoted family man. He deserved none of this. We will not rest until justice is fully served,” ayon kay Speaker Romualdez.

Si Pulhin ay binaril nang malapitan ng dalawang lalaki na pumasok sa isang pribadong residential area at tumakas gamit ang motorsiklo.

Dinala siya agad sa isang ospital ngunit idineklara ring patay makalipas ang ilang sandali.

Si Speaker Romualdez, na una nang nagpahayag ng matinding lungkot at galit sa nangyari, ay nagsabing patuloy na tutulong ang Kamara sa pamilya ni Pulhin at susuporta sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Hinimok din niya ang National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies na paigtingin ang pagtugis sa apat pang suspek na hindi pa nahuhuli.

“To those still in hiding, the law will find you. This is not just about one man’s murder. It is about protecting every public servant who works with integrity and who deserves to live without fear,” ani ng Speaker.

Tiniyak ni Speaker Romualdez sa pamilya ni Pulhin na makakamtan nila ang hustisya.

“We owe it to Morie. We owe it to the institution. And we owe it to the people we serve,” sabi ni Speaker Romualdez.