RIT

Saksi sa pagbaril sa lalaki hinabol, tsinugi RIT

Edd Reyes Jun 25, 2025
26 Views

TEPOK ang riding-in-tandem na bumaril at malubhang nakasugat sa menor-de-edad na binatilyo at sa tricycle driver na tinamaan ng ligaw na bala nang tugisin at pagbabarilin ng nakasaksing bystander Martes ng hapon sa Taguig City.

Dead-on-the spot ang rider na si Mark David Villas, 23, habang hindi na rin umabot ng buhay sa Taguig-Pateros District Hospital ang ka-angkas niyang gunman na si Ian Lontoc, 20, kapuwa residente ng Brgy. Palingon, Tipas.

Kritikal naman sa naturan ding pagamutan si alyas “Angelo”, 17, habang ginagamot din ang tricycle driver na si alyas “Jefrrey”, 37, na nahagip ng ligaw na bala nang maganap ang pamamaril dakong alas-4:45 ng hapon sa General Luna St. Brgy. Tuktukan.

Sa inisyal na ulat ni P/Capt. Dennis Desaliza, hepe ng Investigation Section ng Taguig police, dakong alas-4:45 ng hapon nang abangan ng mga suspek na magka-angkas sa motorsiklo si Angelo sa paglabas ng kanilang bahay sa Bagong Silang St. Brgy. Tuktukan at habang naglalakad na sa General Luna St., piagbabaril siya ng malapitan ni Lontoc na dahilan para tamaan din ng ligaw na bala si Jeffrey na nakaupo sa ipinapasadang tricycle.

Nasaksihan ng naka-tambay na si alyas “Joseph”, dati umanong empleyado ng Brgy. Tuktukan at ang pamamaril kaya’t hinabol niya ang mga patakas na suspek na humantong sa pagbabarilan.

Nang rebisahin naman ng pulisya ang kuha ng CCTV sa lugar, nakita ang isang barker na si alyas Luis na dinampot ang baril ng nasawi na kalaunan ay ipinasa niya sa kasama ring barker na si alyas “Jimberly” 42.

Nadakip ng pulisya si Jimberly at nakuha sa kanya ang baril na gamit ng gunman habang hinahanap pa ang kasama niyang si Luis na kapuwa sasampahan ng kasong Obstruction of Justice.