DOTr

DOTr sa uploader ng viral video: Nasa likod mo kami

Jun I Legaspi Jun 25, 2025
25 Views

TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) na poprotektahan at bibigyan ng legal na tulong ang uploader ng viral video laban sa isang bus company matapos umanong ianunsyo ng nasabing kumpanya na magsasampa ito ng kaso laban sa kanya.

Umani ng matinding reaksyon online ang video kung saan makikitang anim na bus ang nagkakarera sa isang highway sa Cagayan—na nagdulot ng seryosong pangamba sa kaligtasan ng pampublikong transportasyon.

Muli ring iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat tiyakin ng mga pampublikong sasakyan ang kaligtasan at kaginhawaan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, at hindi inilalagay sa panganib ang buhay ng mga pasahero.

Mahigpit na pinaninindigan ng DOTr ang pagbibigay-proteksyon sa mga mamamayang buong tapang na nagsusumbong ng anumang uri ng abuso o katiwalian sa sektor ng transportasyon.

“Para sa uploader ng nagkakarerang buses: Wala kang dapat ikatakot dahil nasa likod mo ang buong DOTr,” pahayag ni Transportation Secretary Vince Dizon.

Hinihikayat ng Kagawaran ang publiko na patuloy na magsumbong at magpadala ng mga video ng mga abusado na mga drayber sa DOTr.