Calendar
Mini dump truck tumaob sa Silay City, 5 empleyado patay
LIMANG empleyado ng Silay City Engineer’s Office ang nasawi habang 20 iba pa ang nasugatan matapos na tumaob ang sinasakyang mini-dump truck nitong Biyernes ng umaga sa Hacienda Paho, Barangay Guimbalaon, Silay City.
Kabilang sa mga nasawi si Alexander Balili, head plumber ng lungsod.
Patay din sa aksidente ang secretary ni Balili na siyang nag-iisang babae sa mga nasawi.
Batay sa inisyal na ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO, naganap ang aksidente dakong 10:17 ng umaga.
Galing ang mga biktima sa isang tree planting activity ng lokal na pamahalaan ng Silay City at pabalik na sana sa munisipyo ng maganap ang aksidente.
Agad namang nakidalamhati si Silay City Mayor Joedith C. Gallego sa pamilya ng mga nasawi.
Nakipag-ugnayan na rin aniya ang local governent sa Philippine National Police, CDRRMO at City Health Office para sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng aksidente.
Humiling din ang alkalde sa kanyang nasasakupan ng panalangin para sa mga biktima at pamilya ng mga ito.
“This tragic occurrence has brought immeasurable grief to our community. It is a moment of collective mourning for all Silaynons. I respectfully call upon everyone to offer prayers for the eternal repose of the souls of those who perished, and for the full and speedy recovery of those who sustained injuries,” pahayag ng alkalde.
Tiniyak din ng alkalde na magkakaroon ng malalimang pagsisiyasat upang malaman ang dahilan nag aksidente nang sa gayon ay maiwasang maulit ito.

