Calendar
House prosecution panel spokesman Atty. Antonio Audie Z. Bucoy
VP Sara walang inilagay na depensa, ebidensya sa Answer Ad Cautelam
BUKOD sa pagtanggi sa alegasyon ay wala umanong inilagay na depensa at ebidensya si Vice President Sara Duterte sa kanyang inihaing Answer Ad Cautelam sa Senate impeachment court, ayon sa spokesperson ng House prosecution panel na si Atty. Antonio Audie Z. Bucoy.
“In general, yes—misconceptions, falsehood and general denial. What’s a general denial? Hindi ho niya sinagot ‘yung mga factual allegations. Sinabi lang niya, ‘hindi totoo ‘yan.’ Ang problema sa general denial, na hindi mo sinagot in particular ‘yung sakdal,” pahayag ni Bucoy sa isang press conference. “Ngayon ho sa batas, ang general denial is considered an admission.”
“Kung may depensa on the facts—gaya ng sinabi, hindi general denial, specific denial: ‘hindi totoo sapagkat ito ang totoo’—wala ho no’n,” dagdag pa niya. “It’s a sign of no defense.”
“Walang paliwanag. Nasa impeachment na tayo. Nag-file ng answer—wala pa ring paliwanag. Lahat po tayo nanghuhula pa rin,” ani Bucoy.
Ipinunto rin ni Bucoy na maging ang pinakamabibigat na factual allegations—kabilang ang mabilis at hindi awtorisadong paggasta ng P125 milyon sa confidential funds—ay hindi man lang tinugunan nang may substansya.
“P125 million na ginasta in 11 days—hindi niya itinanggi ‘yan. Hindi niya itinanggi ‘yung mga liquidation documents… sinabi lang niya, ‘hindi totoo’,” sinabi ni Bucoy.
“That’s what I mean—dapat itatanggi mo. If you deny it, you should say why you are denying it. Hindi totoo ‘yan sapagkat ito ‘yung tunay na nangyari. ‘Yung kanya, sinabi lang niya, ‘hindi totoo ‘yan,” ani Bucoy. “Iyong sinagot niya, walang halaga. ‘Yun ang scrap of paper.”
Binigyang-diin din ni Bucoy na sinusubukan ng kampo ng depensa na iwasan ang paglilitis sa pamamagitan ng paglalabas ng mga procedural na isyu.
“They want a shortcut. Wala ng trial, dismiss na lang,” aniya. “‘Yung walang maisagot sa substance, ang tinutugunan nila ng pansin—‘yung teknikal.”
“Sabi niya gusto niya ng trial, she wants a bloodbath—eh bubble bath eh. Hindi bloodbath,” dagdag niya.
Sa kabila ng taktika, sinabi ni Bucoy na mananatiling committed ang prosecution sa pagpapalabas ng katotohanan sa isang buong paglilitis.
“Ang prayer ho ng prosecution is to deny the dismissal and to proceed to trial. ‘Yun lang naman ho ang gusto natin eh. ‘Yun lang naman ang gusto ng bayan eh—ilabas ang ebidensya niya,” sabi ni Bucoy.
“This is healthy for democracy… Magtiwala tayo sa proseso. Lumabas sana ang katotohanan. Kung kinakailangang i-convict, i-convict base sa ebidensya. Kung kinakailangang i-acquit, i-acquit base sa ebidensya,” aniya.

