Angeles

3 pang napili na maging miyembro ng Gabinete, pinangalanan ng kampo ni PBBM

Hector Lawas Jun 18, 2022
168 Views

PINANGALANAN ng kampo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tatlong indibidwal na magiging bahagi ng Gabinete ng papasok na administrasyon.

Ayon kay Press Secretary-designate Rose Beatrix Cruz-Angeles si dating Senate President Juan Ponce Enrile ang magiging Presidential Legal Counsel-designate.

Babalik umano si Enrile sa pagseserbisyo-publiko anim na taon matapos nitong ianunsyo ang kanyang pagreretiro sa politika noong 2016.

Si incumbent Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra ay pumayag na umano sa alok ni Marcos na maging Solicitor-General. Nag-usap ang dalawa noong Huwebes.

Si Guevarra ay nagtapos na magna cum laude sa kursong Political Science sa Ateneo de Manila University noong 1974.

Bago naging kalihim ng DOJ, si Guevarra ay naging Deputy Executive Secretary ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Itatalaga naman si General Jose Faustino Jr., (Ret.) bilang Senior Undersecretary at Officer-in-Charge ng Department of National Defense (DND).

Si Faustino ay nagretiro bilang ika-56 na Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines noong Nobyembre 12, 2021.

Kapag natapos na ang kanyang one-year ban, si Faustino ay itatalaga umanong kalihim ng DND.

Ayon kay Cruz-Angeles, nag-usap na sina Faustino, incoming National Security Adviser at retired UP Prof. Clarita Carlos, at Marcos noong Huwebes.