Calendar
San Juan bilang Surfing Capital of the North palalakasin agri-tourism ng La Union
San Juan, La Union – Sa layuning gawing Agri-Tourism Center ng Hilagang Luzon ang La Union pagsapit ng 2025, pinangungunahan ni 1st District Representative Paolo Ortega ang mga hakbang upang mapataas pa ang antas ng turismo sa lalawigan sa pamamagitan ng pormal na pagkilala sa bayan ng San Juan bilang isa sa pangunahing destinasyon nito.
Sa ilalim ng House Bill 1214, isinusulong ni Ortega—isang miyembro ng grupong Young Guns—na opisyal na ideklara ang San Juan bilang “Surfing Capital of the North”, at makakuha ng pondo para sa patuloy na pag-unlad at promosyon nito. Layunin ng panukala na kilalanin hindi lamang ang lumalawak na reputasyon ng San Juan bilang world-class surfing site, kundi pati na rin ang mahalagang ambag nito sa paglago ng ekonomiya ng La Union na nakasandal sa turismo.
Bahagi ng Central Circuit ng lalawigan ang San Juan, kasama ang San Fernando City, Bacnotan, at San Gabriel, at patuloy na dinadayo ng mga surfer at turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Noong 2023 at 2024 pa lamang, tinatayang ₱2 bilyon ang kinita mula sa surfing-related tourism sa lugar. Lalong tumibay ang katayuan ng bayan bilang pangunahing surfing destination nang ito’y maging host ng surfing competition sa 2019 Southeast Asian Games, kung saan ipinamalas nito ang world-class surf breaks at makulay na kulturang baybayin.
“Ang likas na ganda ng San Juan, ang kilala nitong mga alon, at ang mainit na pagtanggap ng komunidad ay dahilan kung bakit ito ay tunay na hiyas ng Hilagang Luzon,” ani Congressman Ortega.
“Sa pormal na pagkilalang ito bilang Surfing Capital of the North, layon naming buksan ang mas maraming oportunidad para sa turismo, imprastraktura, at kabuhayan ng ating mga kababayan.”
Layunin din ng panukalang batas na palakasin pa ang tourism infrastructure, itaguyod ang kultura ng surfing, at makaakit ng mas maraming turista, lokal man o dayuhan. Bahagi rin ito ng mas malawak na plano ng La Union na gamitin ang likas nitong yaman upang isulong ang inclusive growth, mas mataas na competitiveness, at pagtibayin ang posisyon nito bilang agri-tourism hub sa Hilagang Luzon.
Mas Malawak na Adhikain para sa Kaunlaran ng La Union
Ang pagkilala sa San Juan ay bahagi lamang ng mas malawak na legislative agenda ni Rep. Ortega upang itaas ang kalidad ng buhay sa buong 1st District ng La Union. Ilan sa mga unang panukalang batas na kanyang inihain ay nakatuon sa imprastraktura, kalusugan, kabataang atleta, at mobilidad:
HB 1212 – Layuning magtatag ng pambansang polisiya para sa pagpigil sa adolescent pregnancy sa pamamagitan ng Adolescent Pregnancy Prevention Act.
HB 1215–1216 – Pagpapalawak ng bed capacity ng mga ospital sa Balaoan at Bacnotan mula 25 tungo sa 50 kama upang mas mapabuti ang access sa serbisyong medikal.
HB 1213, HB 1217–1225 – Pagsasailalim ng mga pangunahing kalsada sa Bangar, Balaoan, Bacnotan, Santol, San Gabriel, San Fernando, at iba pang lugar bilang national roads, kasama na ang pondo para sa pagpapaayos at maintenance upang pabilis ang konektibidad at daloy ng negosyo sa rehiyon.
“Ang bawat panukalang batas na inihain ko ay hakbang tungo sa pagbabago at pag-unlad ng La Union,” ani Ortega.
“Sa pagtutok natin sa potensyal ng turismo sa San Juan, pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, pagsuporta sa kabataan, at pag-upgrade ng imprastraktura, binubuo natin ang matibay na pundasyon para sa mas maunlad at mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat komunidad.”
Nanawagan si Rep. Ortega sa kanyang mga kapwa mambabatas, tourism stakeholders, at mga lokal na opisyal na suportahan ang House Bill 1214, na inaasahang magpapalakas pa sa global appeal ng San Juan, lilikha ng trabaho, at magpapasigla ng pangmatagalang kaunlaran sa distrito.

