Calendar
NHA ipinagkaloob P20M proyektong pabahay sa Sultan Kudarat
IPINAGKALOOB ng National Housing Authority (NHA) ang P20 milyong proyektong pabahay sa Sen. Ninoy Aquino, Sultan Kudarat na pakikinabangan ng 100 pamilya na kabilang sa Manobo-Dulangan Tribe sa Sitio Tamangan, Brgy. Kuden.
Ipinatupad sa ilalim ng Housing Assistance Program for IPs ng NHA at nasa balangkas ng Resettlement Assistance Program for Local Government Units nito, ang Sen. Ninoy Aquino IP Housing Project ay nagtatampok ng 100 kumpletong yunit na may sukat na 21.44-square-meter (sqm) floor area sa 80 sq. m. na lote.
Bilang kinatawan ni General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni NHA XII Regional Manager Engr. Zenaida Cabiles ang seremonya, kasama ang mga kinatawan mula sa Sen. Ninoy Aquino LGU, tanggapan ni 2nd District Rep. Rep. Horacio Suansing Jr., National Commission on Indigenous Peoples XII (NCIP XII), at 7th Infantry Battalion, 6th Infantry Division, Philippine Army.
Nagpasalamat si Engr. Cabiles sa mga benepisyaryo para sa kanilang mahabang pasensya at pag-unawa.
Binigyang-diin niya na ang kanilang pagtitiyaga ay patunay ng kanilang tiwala sa proyekto, sa NHA at sa pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. tungo sa isang Bagong Pilipinas.
“Ito ay malinaw na ebidensya ng inyong tiwala hindi lamang sa proyekto kundi pati na rin sa misyon ng NHA at ng pamahalaan. Nararapat lamang na magkaroon kayo ng pantay na access sa mga programa at serbisyo tulad ng pabahay at pagkakataong umunlad din,” sabi ng opisyal.
Samantala, ipinaabot ni Datu Egew Pidatan, pinuno ng Manobo-Dulangan Tribe, ang kanyang pasasalamat sa NHA at sa lahat ng mga stakeholder na sumuporta sa proyekto.
Hinikayat niya ang kanyang mga kasama na pahalagahan at panatilihin ang kanilang mga bagong tahanan, at ituring na isang bagong kanlungan ng pagmamahalan at pagkakaisa.
Pinuri rin ni Engr. Cabiles ang pagtutulungan ng iba’t ibang kapartner na naging instrumento sa katuparan ng pangarap ng mga benepisyaryo na magkaroon ng sariling tahanan.
Binanggit niya ang walang-humpay na suporta ng Sen. Ninoy Aquino LGU, sa pamumuno ni Mayor Randy Ecija Jr.; ang NCIP XII at ang pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat; at ang Department of Environment and Natural Resources XII (DENR XII), sa pamumuno ni Regional Executive Director Atty. Felix Alicer.
Ang matagumpay na pagkakaloob ng Sen. Ninoy Aquino IP Housing Project sa mga benepisyaryo ay nagsisilbing patunay sa pagtutulungan ng iba’t-ibang ahensya na naglalayong magbigay ng pantay-pantay na oportunidad sa pabahay para sa mga katutubong pamilya.

