bro marianito

Ang nawawalang tupa Hinahanap ni Hesus ang mga tupang naliligaw ng landas. Baka isa ka sa mga hinahanap ng ating Panginoon (Lucas 15:3-7)

544 Views

“Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa. Ano ang gagawin niya? Hindi ba’t iiwan niya ang siyamnapu’t siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa it’y matagpuan?” (Lucas 15:3-7 – Magandang Balita Biblia)

MAY ilang magulang na pinapalayas o itinatakwil ang kanilang mga anak kapag sobra na itong pasaway. Kapag hindi na nila kayang supilin ang katigasan ng ulo kanilang anak. Ang solusyon na

naiisip nilang gawin laban sa sutil nilang anak ay ang palayin ito ng bahay.

Para sa kanila, napagod na sila ng kaka-disiplina sa pasaway nilang anak at hindi na nila ito kayang rendahan pa. Kaya mas makabubuti pang palayasin na lamang nila ito. Ang katuwiran nila: baka sakali ay duon siya matuto at magising kapag wala na ito sa kanilang poder.

Hindi na rin nakakapagtaka kung may mga kabataan ang nabubulok ngayon sa mga piitan. Sila ang mga batang pinalayas at pinabayaan ng kanilang mga magulang dahil napagod na ng kaka-disiplina sa kanila.

Kung ang ilang magulang ay nawalan na ng tiyaga at naubos na ang pasensiya sa mga pasaway nilang anak. Kaya hinahayaan na lamang nila itong magpagala-gala kagaya ng isang tupang naliligaw.

Ngunit hindi ang ating Panginoong HesuKristo, hindi siya kailanman napagod ng kakahanap sa mga tupang naliligaw. Katulad ng ibinibigay na mensahe ngayon ng Mabuting Balita (Lucas 15:3-7) tungkol sa Talinhaga ng “Nawawala at Natagpuang Tupa”.

Matiyagang hahanapin ni Hesus ang tupang naliligaw katulad ng inilalarawan ng Pagbasa. Nakahanda niyang iwan ang siyamnapu’t siya para lamang hanapin ang nag-iisang ito. Hindi siya titigil sa kakahanap hanggang sa ito’y kaniyang matagpuan (Lucas 15:4).

Si Hesus ay isang “Mabuting Pastol” (Juan 10:11), hindi niya kailanman hahayasng maligaw at mapariwara ang nawawalang tupa. Hindi siya tumitigil ng kakahanap sa mga tao na itinuturing nating tampalasan, pasaway, sakit ng ulo at salot ng Lipunan.

Kung ang tingin ng ilan sa atin sa mga ganitong uri ng tao ay wala ng pag-asa at patapon na. Kumbaga sa isang sasakyan, ito ay bulok at kakarag-karag na kaya itatambak o itatapon na lamang Ang isang bulok at luma para sa ating Panginoon ay kaya niyang gawing bago at “brand new”.

“Kaya’t kung nakipag-isa na kay Kristo ang isang tao. Isa na siyang bagong nilalang, wala na ang dati niyang pagkatao. Sa halip, ito’y napalitan na ng bago”.(2 Corinto 5:17)

Kaya ganoon na lamang ang kagalakan ng ating Panginoon kung ang isang bulok sa ating paningin ay nagawa niyang baguhin. Labis ang kagalakan niya kung ang isang nawawalang tupa ay muli niyang natagpuan. Hindi ba’t sa tuwa niya’y papasanin niya ito sa kaniyang balikat? (Lucas 15:5)

Ang ugali ng ilan sa atin, kapag ang isang bagay na nasira ay hindi na natin pagtitiyagaang ayusin o kaya naman ang isang nawawala ay hindi na natin pagkakaabalahan pang hanapin. Iba ang ating Panginoong Hesus, hindi siya manghihinawang mag-ayos ng nasira at maghanap ng nawawala.

Halimbawang pansamantalang bababa sa lupa ang Panginoong HesuKristo, sino sa tingin ninyo ang kaniyang bibisitahin o pupuntahan? Ang mga Pari ba? ang mga Madre sa Kumbento? Ang mga Pastor at Ministro ba?

Hindi sila ang pupuntahan o bibisitahin ng ating Panginoon, ang pupuntahan ni Hesus ay yung mga taong makasalanan na itinuturing nating mga “tupang itim” at nagbibigay ng samu’t-saring problema.

Sapagkat kay Hesus na rin nagmula, matapos niyang wikain na “naparito siyaupang tawagin ang mga makasalanan,

hindi ang mga matuwid” (Marcos 2:17). Kaya sinasabi ng Ebanghelyo na iiwan ni Kristo bilang Pastol ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang isang makasalanan (tupa).

Marahil para sa iba, ang isang makasalanan ay hindi na dapat pag-aksayahan ng panahon, hayaan na lamang ito hanggang sa matuto siya. Hindi kasi ganito si Hesus. Ang bawa’t isa sa atin para sa

kaniya ay mayroong halaga, lalo na ang mga taong kinasusuklaman natin (makasalanan).

May halaga para sa kaniya ang ating buhay, kahit ang tingin ng iba sa atin ay wala tayong kuwentang tao. May halaga tayo sa mata ng ating Panginoon kaya kahit anong mangyari matiyaga niyang hahapin ang isang tupang naliligaw dahil ganito ka-importante kay Kristo ang tupang ito.

Ikaw kapatid na nagbabasa ngayon, baka isa ka sa mga tupang hinahanap ngPanginoon, baka ikaw yung matagal na niyang hinahanap pero hindi ka niya matagpuan kasi nag-iiba ka ng daan. Bakit hindi ka lumapit sa kaniya kasi mahalaga ang buhay mo para sa ating Panginoon.

Bakit hindi mo subukang magbalik sa ating Panginoon? Wala naman mawawala sayo. Bagkos, magkakaroon ka pa nga, magkakaroon ka ng bagong pag-asa, magkakaroon ka ng panibagong buhay. Bumalik ka na sa ating Panginoon. Dahil ikaw yung tupa na matagal na niyang hinahanap.

AMEN