Calendar
Gahol pinangunahan pagpupulong bilang paghahanda ng Or. Mindoro kay ‘Dante’
Calapan City, Oriental Mindoro – Isang emergency meeting ang pinangunahan ni PDRRM Officer Vinscent B. Gahol ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin para sa paparating na bagyong #DantePH.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor bilang PDRRMC Chairperson.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magdadala ng malakas na ulan ang bagyo sa Oriental Mindoro hanggang Biyernes.
Dahil dito, agad na inactivate ang Emergency Operation Center (EOC) para mabilis na makatugon sa anumang pangangailangan.
Hinikayat ni Gahol ang mga residente sa mga lugar na madalas tamaan ng baha na mag-evacuate na bilang pag-iingat at pumunta sa mga itinakdang evacuation centers o sa mga ligtas na lugar.
Base sa ulat ni PDRRMO Planning Officer Mannylyn A. Guevarra, may tatlong barangay na sa Calapan City ang nag-ulat ng mga lumikas: Barangay Gutad: anim na pamilya, Barangay Camansihan: 1 pamilya Barangay Bucayao: walong pamilya.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga Municipal DRRMO, CDRRMO, at barangay officials para sa maayos na koordinasyon. Nakahanda na rin ang mga kagamitan para sa rescue at relief operations.
“Maging alerto sa mga babala ng PAGASA at sundin ang mga tagubilin ng lokal na pamahalaan. Kung nakatira kayo sa mga lugar na madalas tamaan ng baha o landslide, mag-evacuate na agad.
Ihanda ang inyong mga emergency kits at siguraduhing may sapat na pagkain at tubig. Makipag-ugnayan sa inyong barangay officials para sa karagdagang impormasyon. Ang inyong kaligtasan ang aming prayoridad,” ani Gahol.

