Killer Source: Lepanto Mining file photo

2 notoryus na pugante nasakote

Alfred Dalizon Jul 23, 2025
183 Views

DALAWANG kilalang pugante ang naaresto at ikinulong ng mga operatiba ng Philippine National Police matapos makatanggap ng “intelligence packets” mula sa PNP Intelligence Group, ayon sa impormasyong nakuha ng Journal Group nitong Miyerkules.

Kinilala ang mga suspek bilang si alias ‘Tidong,’ na may kasong robbery with multiple homicide, at si alias ‘Molina’ na may warrant of arrest para sa apat na bilang ng qualified rape.

Si ‘Tidong’ ay isa sa mga pangunahing suspek sa kilalang armadong pagnanakaw sa loob ng mill site compound ng Lepanto Consolidated Mining Corporation sa Mankayan, Benguet noong Setyembre 2003, kung saan limang empleyado ng kumpanya ang pinatay matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang service vehicle.

Tumakas ang mga armadong suspek matapos makuha ang 21.60 kilo ng gold bullion at dalawang automatic rifle na may kabuuang halaga na humigit-kumulang P13.260 milyon.

Ayon kay PNP Intelligence Group Director Col. David N. Poklay, walang piyansang inirekomenda ang korte para sa bawat isa sa mga suspek.

“Ang mga pag-arestong ito ay bahagi ng utos sa amin ni PNP Chief General Nicolas D. Torre III at PNP Director for Intelligence Brigadier Gen. Wilson Joseph F. Lopez na magsagawa ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga most wanted upang mapigilan silang makapaminsala pa at mapanatili ang kaayusan sa lansangan,” ayon kay Col. Poklay sa Journal Group.

Ayon pa sa ulat, ang Regional Intelligence Unit 14 ang nagbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 56-anyos na si ‘Tidong’ sa Central Palasaan, Mankayan, Benguet noong Lunes.

Nakipagtulungan sa RIU14 ang mga pulis mula sa Mankayan Municipal Police Station, Benguet Police Provincial Office, at Cordillera Police Regional Intelligence Division upang masubaybayan at maaresto ang suspek.

Si Judge Agapito Laoagan Jr. ng Branch 64, Regional Trial Court sa Buguias, Benguet ang naglabas ng arrest warrant kay ‘Tidong’ noong Hunyo 8, 2024, na walang piyansa.

Ang suspek, na residente ng Camanpaguey, Barangay Caviten sa bayan ng Mankayan, ay itinuturing na isa sa mga Most Wanted sa buong bansa ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na nag-alok ng P250,000 pabuya para sa impormasyong makapagtuturo sa kanyang kinaroroonan.

Kinumpirma ni Col. Poklay na si ‘Tidong’ ay sangkot sa notoryus na armadong pagnanakaw sa Lepanto Mining noong 2003, kung saan napatay ang limang manggagawa ng kumpanya, at natangay ang milyon-milyong halaga ng ginto at armas.

Ang pangalawang suspek na si ‘Molina’ ay naaresto batay sa non-bailable warrant of arrest na inisyu ni Judge Ivan Kim Morales ng RTC Branch 59 sa Baguio City noong Hulyo 11 para sa apat na bilang ng qualified rape.

Ayon pa kay Col. Poklay, ang RIU14 rin ang nakabuo ng intelligence packet na naging susi sa pagkakaaresto sa 30-anyos na si ‘Molina’ sa kanyang pinagtataguan sa Barangay Domanpot, Asingan, Pangasinan noong Sabado.

Si ‘Molina’ ang itinuturing na No. 1 Most Wanted sa rehiyon ng Cordillera, dahil sa paulit-ulit na panggagahasa sa isang menor de edad na kaanak ng kanyang kinakasama.

Batay sa imbestigasyon, hindi pinaniwalaan ng tiyahin ng biktima ang reklamo nito, at inuna pa umanong ipagtanggol ang suspek. Ngunit nang makauwi ang ina ng biktima mula sa ibang bansa, siya na mismo ang nagsampa ng kasong kriminal laban kay ‘Molina.’

Naaresto ang suspek ng pinagsanib na puwersa ng RIU14 at Baguio City Police Station.