Calendar
MWP sa Bohol nagtago, sa Valenzuela tiklo
NASUKOL ng pulisya ang most wanted na kriminal sa lalawigan ng Bohol nang matunton ang pinagtaguan niyang lugar Sabado ng hapon sa Valenzuela City.
Nagawang makapuslit sa kanilang lalawigan ni alyas “Rodel”. 27, nang malamang nasa No. 2 na siya sa listahan ng Top Most Wanted Person, hindi lamang sa Lungsod ng Tagbilaran, kundi sa buong Police Regional Office (PRO)-7 na sumasakop sa Bohol, Cebu, at Siquijor, matapos isagawa ang karumaldumal na krimen.
Nang makipag-ugnayan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Tracker Team ng Tagbilaran City Police Station at Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Bohol Provincial Police Office hinggil sa natanggap nilang impormasyon na sa Valenzuela City nagtago ang akusado, kaagad inatasan ni P/Col. Gerson Bisayas, hepe ng Valenzuela Police Station ang kanyang mga tauhan na alamin ang kinaroroonan ni alyas Rodel.
Dakong alas-5:40 ng hapon nang tuluyang matunton at maisilbi ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police ang warrant of arrest na inilabas nito lang Enero 30,2025 ni Tagbilaran Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Josephus Adel Baterna ng Branch 49 laban sa akusado para sa kasong Murder, sa pinagtaguang lugar sa Brgy. Gen. T. De Leon.
Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado na pansamantalang nakapiit muna sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police Station hangga’t hinihintay ang utos ng korte para sa pagbiyahe sa kanya sa Tagbilaran City Jail.

