Calendar
5 Koreano tiklo ng BI dahil sa panloloko
LIMANG South Korean nationals ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga online fraud schemes, habang patuloy ang pinaigting na operasyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.
Ang operasyon, na isinagawa sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad ng Korea, Philippine Air Force sa Northern Luzon, at Clark Development Corporation, ay nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong lalaking Koreano na sangkot umano sa cybercrime at mga organisadong pandaraya.
Iniutos ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pag-aresto kina Ham Seong Hwan, 38, at Kim Jongbaek, 2, na umano’y nagtatag ng fraud operations sa isang bahay sa loob ng Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga noong Hulyo 26.
Habang isinasagawa ang operasyon, dalawang iba pang Koreano Kim Taekyeong, 37, at Park Jinhyung, 36, ay nahuling aktwal na nagtatrabaho sa nasabing operasyon. Si Park ang itinuturing na pinuno ng grupo at natuklasang overstaying na mula pa noong 2024.
Ayon sa ulat, ang grupo ay gumagamit ng mga pekeng hotel websites, maling flight at tour offers, at nagpapanggap bilang travel agents upang makapanloko ng mga naghahanap ng luxury holidays.
Samantala, inaresto rin ng BI-FSU sa parehong araw si Park Youngjun. 43, isa pang South Korean fugitive, sa Jose Abad Santos Ave sa loob ng Clark Freeport Zone. Siya ay tinaguriang “undesirable alien” matapos maglabas ng Interpol red notice at warrant of arrest mula sa Seongnam branch ng Suwon District Court dahil sa pandaraya.
Si Park Youngjun ay umano’y gumawa ng mga pekeng account at subscription notifications sa isang malaking South Korean live-streaming platform, at kumita ng tinatayang 4.6 milyon Wom o mahigit ₱190,000.
Ang limang dayuhan ay pansamantalang nakakulong sa pasilidad ng BI habang isinasagawa ang proseso ng deportasyon.

