SLEX

SLEX may bagong exit

Gil Aman Aug 1, 2025
301 Views

BUKAS na ang South Luzon Expressway (SLEX) northbound exit interchange sa San Pedro City noong Biyernes.

Dinaluhan ni Laguna Gov. Sol Aragones, DPWH Secretary Manuel Bonoan, DOTr Secretary Vince Dizon at iba pang opisyal ang inauguration ng exit.

Inilunsad ito bilang tugon sa panawagan ng mga taga-San Pedro na magkaroon ng northbound exit lalo na’t may southbound exit na dati ng ginagamit.

“Isa ito sa pinaka-modernong interchange,” pahayag ni DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Dagdag ni DOTr Secretary Vince Dizon: “Ito ay para sa kaginhawaan ng ating mga motorista at commuters.”

Ipinaliwanag ni Mayor Arlene Arcillas ang dahilan ng proyekto. “Madaling pumasok pero mahirap lumabas, kaya sabi ko, gagawa tayo ng exit sa San Pedro,” sabi ng mayor.

Nagpasalamat si Gob. Aragones sa mga nagpursige para sa proyekto.

Ayon kay Raul Eduardo C. Romulo, Chief Finance Officer ng San Miguel Holdings Corp., “Ang San Pedro Northbound Plaza ay makatutulong sa pagpapabuti ng accessibility at mobility ng lungsod, lalo na sa mga manggagawang mula Maynila at South Luzon na dito sa San Pedro naninirahan.”

Nagpaabot din ng pasasalamat sina dating Mayor Lourdes Cataquiz at kasalukuyang Mayor Art Mercado na kinilala ang sama-samang pagkilos na naging susi sa tagumpay ng proyekto.