Calamba Sinisiyasat ng imbestigador ang lugar ng pinangyarihan ng pamamaril sa Brgy. Looc, Calamba City.

Babae pinagbabaril ng 1 sa 2 suspek sa Laguna, patay

Gil Aman Aug 20, 2025
348 Views

PATAY ang 41-anyos na babae matapos barilin ng isa sa dalawang suspek nitong Miyerkules ng madaling araw, August 20, 2025, sa Brgy. Looc, Calamba City, Laguna.

Ayon sa ulat ng Calamba City Police, sa mismong loob ng sinasakyang tricycle namatay ang biktima na kinilalang si alyas Cherry, mula sa hindi pa mabatid na kalibre na baril na ginamit ng suspek.

Sa inisyal na ulat ng imbestigador ng Calamba police nabatid na ang trahedya ay naganap dakong alas 12:30 ng madaling araw.

Ilang saglit habang sakay sa tricycle ang biktima ay dumating ang mga suspek, kung saan ang isa ay armado ng baril.

Sunod sunod na pinaputukan ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang pamamaril sa biktima ay agad ipinaalam ng isang concerned citizen sa pulisya na nagsagawa ng imbestigasyon subalit hindi na inabutan ang dalawang salarin.

Ayon sa pulisya, mabilis tumakas ang mga suspek sa hindi mabatid na lugar kung saan sila nagsasagawa ng imbestigasyon .

Inaalam din ng pulisya ang motibo ng pamamaril sa biktima.