Marino

Mayor sinamahan magsasaka magtanim ng palay

215 Views

BATANGAS CITY–Kasama ang mayor ng siyudad na ito sa mga nagtanim ng palay noong Miyerkules kasama ang mga magsasaka sa paglulunsad ng Rice Sufficiency Program sa ilalim ng Alagang Pang-Agrikultura, Tagumpay ng Magsasaka sa Brgy. Libjo.

Layunin ng programa na buhayin at pataasin ang produksyon ng palay para maging rice-sufficient ang siyudad, ayon kay Mayor Marvey Mariño.

Ayon kay Mayor Mariño, malaking tulong ito sa mga magsasaka at tiniyak niyang makikipag-ugnayan siya sa mga ahensya ng pamahalaan para sa mga  kinakailangang imprastraktura tulad ng dryer at milling facilities.

Maaaring iproseso ang mga ani sa mas murang halaga, at ang makukuhang produksyon ng bigas ay gagamitin sa panahon ng kalamidad at iba pang
pangangailangan ng mga mamamayan, sabi ng alkalde.

Para kay City Agriculturist Flor Alvarez, napakahalaga ng muling pagbabalik ng pagtatanim ng palay sa lungsod.

Ayon sa kanya, dapat palakasin ang irigasyon, agri-inputs, makinarya at suportahan ang mga barangay na nais lumahok at makapag suplay ng bigas.

Nagpasalamat si Punong Barangay Joel Chavez sa malaking benepisyong maibibigay ng programa sa mga magsasaka sa kanilang lugar.