Binay

Binay siguraduhin bakunado, may booster mga guro, personnel sa F2F classes

238 Views

BILANG TUGON sa face-to-face classes na isasatupad na ng pamahalaan sa darating na Nobyembre, agaran iminungkahi ni Senadora Nancy Binay ang kilos na dapat gawin ng gobyerno upang matiyak na lahat ng guro at mga tauhan sa eskwelahan na papasukan ng mga mag-aaral ay siguradong bakunado at may booster na tinanggap para sa kaligtasan ng bawat batang Pilipino sa pagbubukas ng klase.

“As a parent, syempre, before na mag-full face-to-face sa November, gusto rin nating yung mga teacher at support staff ay bakunado at may booster, trained sila for the new normal, yung classrooms are well-ventilated, health and safety protocols are strictly implemented, maayos ang spacing ng mga estudyante, may tubig at sabon sa wash areas at CR. Ibig sabihin, by September, schools must be ready and compliant,” ani Binay.

Ayon kay Binay, mahalaga na isagawa ang testing protocols para sa kaligtasan ng mga estudyante at guro gayundin ng iba pang tauhan para masigurong hindi kakalat ang Covid sakaling meron isang mayroon dala sa mga ito.

“Dagdag pa siguro, DepEd must see to it that our teachers and students have the necessary support from the government in terms of testing, na ‘pag may suspected cases or symptoms sa school, free testing and treatment are extended to them,” dagdag pa ni Binay.

Hinamon din ni Binay na agaran isagawa ang pagbibigay ng booster para sa mga estudyante lalo pa aniya at nalalapit na ang pagbubukas ng eskwela ilang buwan mula ngayon.

“Yung DOH sana, habang nasa bakasyon ang mga bata, i-fasttrack na nila ang pagbibigay ng booster shots sa 12-17 at doon sa mga younger learners in time for the phasing-in in September,” ani Binay sabay hamon sa mga lokal na pamahalaan na bigyan ng karampatan tulong ang Department of Education (DepEd) upang masigurong 100% na pagsunod ang gagawin ng mga ito.

“Kailangan ng DepEd na ma-asses ang readiness ng mga private and public schools kung may minimum itong kakayanan to handle a public health situation—na hindi lamang naka-sentro sa Covid—at nakaantabay din ang LGU kung sakaling kailangan ng ayuda,” sinabi ng senadora ng Makati.

Kumpiyansa si Binay na pag-iiisipan ng maige ng Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio kung papaano niya mapapanatali maayos at protektado ang mga mag aaral sa ilalim ng bago nitong pamumuno.

“I believe VP Sara has already been fully briefed pagdating sa implementation ng face-to-face classes, and she and the President were given actionable recommendations,” ani Binay.

Samantala, Iginiit naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang karagdagan sweldo na dapat ibigay sa mga guro lalo pa aniya at ang kasalukuyan sitwasyon ay matinding paghamon para sa mga ito.

Nangunguna sa listahan ng priority bills ni Gatchalian para sa sa 19th Congress ang pagsasabatas ng dagdag sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan dahil na rin aniya sa laki ng responsibilidad na kakaharapin ng mga guro sa pag–aruga sa mga kabataan sa gitna ng pandemya.

Bukod dito, tatlo pang panukalang batas na may kinalaman sa sektor ng edukasyon ang inihain ni Gatchalian sa kanyang “top 10 bills.” Kasama sa kanyang listahan ang pagsusulong muli ng pagpaparehistro ng lahat ng subscriber identity module (SIM) card, isang batas na magpapaigting sa proteksyon ng mga konsyumer at merchants sa online transaction. Kasama rin sa mga pangunahing panukalang batas na kanyang ihahain ang masigurong may mapagkukunan ng sapat na suplay ng kuryente at isang mahusay na sistema ng pamamahala ng basura sa bansa.

“Kasabay ng mga kailangang pagbabago upang mapahusay natin ang kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang pagtaas ng sahod ng ating mga guro upang maitaas natin ang kanilang moral at itaguyod ang dignidad ng kanilang hanay,” ani Gatchalian.

Sa kanyang panukalang Teacher Salary Increase Act, itinataguyod ng Senate Basic Education, Arts and Culture Committee Chairperson na itaas ng isang antas ang salary grade ng mga Teacher I, II at III.

Naglatag din ng resolusyon si Gatchalian para magsagawa ng pagsusuri sa Senado ng implementasyon ng K to 12 Law at tukuyin ang mga isyu at hamon pati na rin ang mga posibleng rekomendasyon para mabigyan ng solusyon ang mga ito na bumabalakid sa maayos na pagpapatupad ng tunay na intensyon ng batas.

Isinama rin ni Gatchalian ang kanyang panukala Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na tutugon sa pagbangon ng krisis sa edukasyon at tutuon sa kakayahan ng mga mag-aaral sa basic subjects na tulad ng Language, Mathematics, and Science. Ang isa pang education priority bill – ang 21st Century School Boards Act – ay magpapaigting sa kapangyarihan ng mga local government kung paano mapapabuti ang kalidad ng edukasyon at pagpapalawak ng paggamit ng Special Education Fund (SEF).