Calendar
‘Wag mag-alala LU safe sa CHED list–Gob. Aragones
STA. CRUZ, Laguna–Hindi maaalis sa listahan ng mga accredited na pamantasan ng Commission on Higher Education (CHED) ang Laguna University (LU) sa kabila ng mga isyung pang pasilidad nito, ayon kay Gob. Sol Aragones nang bumisita sa unibersidad kasama ang mga kinatawan ng CHED.
“’Wag na kayo mag-alala. Hindi matatanggal ang LU; hindi made-delist dito sa CHED,” pahayag ni Aragones.
Nauna nang lumabas sa isinagawang integrity test na hindi matibay ang pangunahing gusali ng unibersidad.
Bilang tugon, nakahanda nang maglagay ng pansamantalang mga silid-aralan sa loob ng isang bodega habang tinatapos ang mas pangmatagalang solusyon.
Tiniyak ni Dr. Charlemagne Laviña, pangulo ng LU, na nakahanda ang unibersidad na ayusin ang mga kakulangan at sumunod sa lahat ng pamantayan ng CHED.
Ipinahayag naman ni Gob. Aragones na mabilis kikilos ang pamahalaang panlalawigan upang suportahan ang mga hakbang ng LU.
“Sa tingin ko po, by next week pasisimulan na namin, para mabilis, para po sa mga estudyante,” aniya.
Binigyang-diin din ng gobernador na pangunahing layunin ang mapanatili ang akreditasyon ng LU sa CHED.
Aminado siyang hindi magiging komportable ang mga silid-aralan sa bodega ngunit iginiit niyang mas mahalaga ang agarang pagtupad sa mga kondisyon ng CHED.
“Mas mabuti na ang meron kesa wala,” paliwanag niya.

