BBM

K-12 curriculum ipinarerepaso ni PBBM

199 Views

PABOR si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na repasuhin ang K-12 curriculum upang matugunan umano ang job mismatch sa bansa.

Ayon kay Office of the Press Secretary isa sa napag-usapan sa isinagawang Cabinet meeting noong Hulyo 12 ang kakayanang taglay ng mga nagtapos sa basic education.

Dapat umano ay handa ang mga nagtatapos ng high school sa pagpasok hindi lamang sa kolehiyo kundi maging sa pagkuha ng technical at vocational courses.

Makikipagtulungan umano ang Department of Trade and Industry sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para matugunan ang job mismatch.

Sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual na isa sa tinitignan ang pagkakaroon ng micro-credential na ginagawa ng National University of Singapore.

Ang micro-credential ay ibinibigay sa mga nagtatapos ng short course sa mga piling larangan.