Tahong

P3M lugi ng magtatahong sa Bataan dahil sa klima

Christian Supnad Sep 29, 2025
4124 Views

ABUCAY, Bataan–Humigit-kumulang sa 300 tahong o mussels growers sa lalawigang ito ang nalulugi ng milyones dahil sa pabagu-bagong klima sa kanlurang bahagi ng Manila Bay.

Ayon kay Daniel Miras, vice president ng Tahong Growers Association sa Bataan, umabot na ng P3 million ang lugi nila ngayong September dahil nangamatay ang mga tahong dala ng pag-init ng karagatan mula ng magpakawala ng tubig ang dam sa Bulacan.

Kapag nagpapakawala ng tubig ang dam sa Bulacan, ani Miras, diretso ang daloy ng tubig dito sa northern part ng Bataan coastal areas.

“Oras na mag release ang Bulacan dam ng nakaimbak na tubig ay dederetso dito sa karagatan ng Northern Bataan dahil ang tubig na galing sa dam ay mainit; mamamatay ngayon ang mga tahong namin dahil mainit ang parteng ilalim ng dagat,” ani Miras.

Ayon kay Miras, 400 hectares sa karagatan ng northern Bataan na natamaan ng tahong mula Mabatang, Abucay hanggang Balanga ang matinding naapektuhan sa biglang pagbabago ng klima dahil magiging mainit ang ilalim ng dagat.

Dahil sa heatwave sa ilalim ng dagat, paliwanag ni Miras, mamamatay agad ang mga tahong at semilya na nakakapit sa mga kawayan sa bandang ilalim ng dagat.

Sinabi ni Miras na taon taon na nangyayari ito sa September at October.

Ngunit sinabi ni Miras na ang bandang itaas ng tubig ng dagat ay malamig kung kayat nabubuhay naman ang mga tahong dito.

“Mas malamig ang itaas ng tubig, kaya yong mga nakadikit sa kawayan sa bandang itaas ay nabubuhay naman. Pero mahigit sa kalahati ang lugi namin dahil mamamatay ‘yong mga nasa bandang ilalim,” paliwanag pa niya.

Dahil dito, umapela ang mga nagtatahong sa Department of Agriculture at sa lokal government na tulungan sila para mabuhay ng maayos.