Calendar
PHLPost makikipagtulungan sa barangay para mahanap may-ari ng hindi natatanggap na national ID
MAKIKIPAG-UGNAYAN ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa mga barangay upang mahanap ang mga may-ari ng national identification card na hindi matagpuan ng mga nagde-deliver nito.
Ayon kay Postmaster general at CEO Norman Fulgencio plano nilang magsagawa ng plaza-type na distribusyon ng mga national ID.
Nais umano ng PHLPost na pasabihan ng mga barangay ang mga may-ari ng ID kung kailan at saan nila ito maaaring makuha matapos na mabigo ang kanilang courier na maibigay ito sa kani-kanilang bahay.
Tatlong beses umanong tinatangka ng mga courier na ideliver ang mga ID at kung wala ang may-ari ay ibabalik na ito sa kanila.
Nasa 700,000 national ID pa umano ang hawak ng PHLPost at susubukan nila na madala ang mga ito sa may-ari.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nasa 92 milyong Pilipino ang kuwalipikado na kumuha ng national ID.
Sa bilang na ito ay 14 milyon na ang nai-deliver na ng PHLPost.