Calendar
4,500 beneficiaries natulungan ng NHA People’s Caravan
NAGHATID ng tulong ang National Housing Authority (NHA) sa mahigit 4,500 benepisyaryo sa People’s Caravan: “Serbisyong Dala ay Pag-Asa” kamakailan sa Butuan at Ormoc City.
Sa ilalim ng patnubay ni NHA General Manager Joeben Tai, dinala ng NHA ang tulong, na inisyatibo ni GM Tai, naglalayong ilapit ang iba’t-ibang programa at serbisyo mula sa iba’t-ibang pampubliko at pribadong ahensya sa mga benepisyaryo ng NHA sa resettlement sites.
Umabot sa 1,578 Butuanons ang nakibahagi sa aktibidad na ginanap sa Agusan del Norte Provincial Capitol covered court habang 2,996 Ormocanons ang nakinabang sa aktibidad sa Bagong Pag-Asa subdivision phases 1 and 2.
“Sa ilalim po ng pamunuan ni GM Tai, titiyakin po namin sa NHA na patuloy kaming maghahandog ng de-kalidad, ligtas, komportable at abot-kayang pabahay, at iba pang mga programang pang-komunidad, tulad po ng People’s Caravan dahil pursigido po kami na bumuo ng marami pang progresibong komunidad na hangarin ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa isang Bagong Pilipinas,” pahayag ni Assistant General Manager Alvin Feliciano sa ngalan ni GM Tai.
Nagalak ang mga benepisyaryo sa mga produkto at serbisyong inihandog ng mga institusyon ng gobyerno at pribadong sektor gaya ng Public Attorney’s Office (PAO), Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), Social Security Services (SSS) at PhilHealth.
Nag-alok din ang NHA ng mga medical at dental mission na may libreng mobile X-ray service, HIV screening, pagsusuri sa mata, haircut, mga assistive device, senior citizens kits, oral hygiene kits, maintenance medicines, at hospital referrals mula sa Department of Health (DOH), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), mga lokal na tanggapan ng kalusugan, at Lions Club.
Sinamantala rin ng mga benepisyaryo ang pagkakataon para sa trabaho at hanapbuhay mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa skills demonstration at aplikasyon para sa scholarship, Department of Trade and Industry (DTI) para sa online business name registration at business counselling, Department of Labor and Employment (DOLE) para sa TUPAD profiling, Department of Migrant Workers (DMW) para sa OFW records verification at seminar tungkol sa iba’t-ibang programa sa kabuhayan, tulong pinansyal, at reintegration, at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa information dissemination.
Nagbenta rin ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng kanilang mga KADIWA stores at sa tulong ng City Agriculture Office, ng sariwa at murang agri-commodities tulad ng sa KADIWA ng Pangulo at P20 rice program, kasabay ng pamamahagi ng libreng buto at seedling.
Sinusuportahan din ng mga key shelter agencies (KSAs) ang inisyatibong ito ng NHA, tulad ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para sa mga katanungan tungkol sa pabahay sa Expanded 4PH at mga isyu sa HOA, Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) para sa konsultasyon tungkol sa mga kaso na may kaugnayan sa pabahay, at ang Pag-IBIG Fund para sa member registration.
Nakatakdang magsagawa ang NHA ng dalawa pang People’s Caravan bago matapos ang taon sa General Santos City at Iligan City.

