Gulong

Gulong ng dump truck sumabit sa bike, biker tigok

199 Views

UTAS ang 14-anyos na binatilyo makaraang sumabit ang gulong ng dump truck sa kanyang bisikleta sa Quezon City noong Huwebes.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), alas-11:30 ng gabi nang mangyari ang aksidente sa C-5 Road extension sa kanto malapit sa Commonwealth Avenue eastbound lane sa Brgy. Old Balara, Quezon City.

Binabaybay ng 25-anyos na driver ng dump truck ang lugar subalit nang lumiko pakanan sumabit ang kanang gulong sa likuran ng itim na racing bicycle ng 14-anyos na binatilyo at nakaladkad.

Nagtamo ng grabeng pinsala sa katawan ang biktima na isinugod sa Rosario Maclang Bautista General Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival dakong alas-12:03 ng hatinggabi.

Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in damage to property and homicide laban sa truck driver.