Calendar
Oducado tuloy-tuloy pamamahagi ng tulong sa Roxas City
TULOY-TULOY pa rin ang pamamahagi ng tulong ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat. M. Oducado para sa kaniyang mga kababayan sa Roxas City at karatig lugar sa Capiz na matinding sinalanta ng super typhoon Ramil.
Sinabi ni Oducado na bagama’t ilang linggo na ang nagdaan mula ng rumagasa at manalasa si typhoon Ramil, hindi aniya nangangahulugan ito na ihihinto na rin ng 1-TAHANAN Party List ang pagkakaloob ng tulong para sa kaniyang mga kababayan na nawalan ng hanap buhay, bahay na matitirhan pinagkakakitaan at mga pananim dulot ng super typhoon.
Pagbibigay diin ng kongresista na masakit para sa kaniya ang makita ang paghihirap ng kaniyang mga kababayan kung kaya’t agad itong nakipag-ugnayan kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian para sa pagbibigay ng karagdagang tulong.
Ayon kay Oducado, nakita nila ang kakulangan ng tubig na maiinom sa Roxas City kaya nagpadala umano sila ng supply ng tubig mula sa Sapian, Capiz sa pamamagitan ng kanilang personal na pera para maipamahagi kasama na dito ang relief goods na ipinadala naman ng DSWD.
“Lubos ang aking pasasalamat kay OIC Regional Director Joselito G. Estember ng DSWD Region 6 dahil sa kanilang mabilis na pag-aksiyon at kay Mayor Ronnie Dadivas para sa kaniyang personal na pagtulong upang masiguro ang maayos na pamamahagi ng relief goods para sa mga apektadong residente,” wika ng mambabatas.

