Calendar
Ang pagawaan ng paputok sa Norzagaray, Bulacan na sumabog kung saan dalawa ang naiulat na namatay.
Source: PNP
PNP humingi ng tulong, hinimok publiko na isumbong mga lihim na pabrika ng paputok
Nanawagan muli ang Philippine National Police (PNP) sa publiko nitong Huwebes na maging “mata at tainga” ng kapulisan sa pagtukoy at pagsugpo sa mga lihim na pagawaan ng paputok sa bansa, lalo na sa paglapit ng Kapaskuhan, matapos ang nakamamatay na pagsabog sa Norzagaray, Bulacan.
Ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Randulf T. Tuaño, ang pagsabog nitong Miyerkules na ikinasawi ng dalawang tao at ikinasugat ng apat ay dapat magsilbing malaking aral para sa lahat.
“Sinabi ng Acting Chief, PNP, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na may mahahalagang aral tayong dapat matutunan — mga aral na napakamahal ng naging kapalit at dapat bigyang pansin ng lahat lalo na’t papalapit na ang Pasko at Bagong Taon,” ayon kay Tuaño.
Dagdag niya, bukod sa pakikipagpulong ng pulisya sa mga gumagawa ng paputok, mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP), hinihikayat din nila ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang presensya ng mga pinaghihinalaang lihim na pagawaan ng paputok sa Bulacan at iba pang bahagi ng bansa.
“Hindi ito tungkol sa legal o ilegal na negosyo. Ang pinag-uusapan natin dito ay kung paano tuluyang mapatigil ang mga underground firecracker manufacturers. Kinikilala naman natin ang lehitimong hanapbuhay, pero kapag ilegal ang ginagawa mo, mahaharap ka talaga sa mga kaso,” ani Brig. Gen. Tuaño.
Ayon naman kay Bulacan Police Provincial Office director, Colonel Angel L. Garcillano, mula pa noong nakaraang buwan ay nagsasagawa na sila ng serye ng diyalogo sa mga gumagawa ng paputok sa lalawigan, pati na rin ng mga inspeksyon sa kanilang mga pagawaan.
“Hinihikayat namin ang publiko na iulat sa amin ang anumang ilegal na pagawaan. Karaniwan, ang mga gumagawa ng paputok ay nasa mga liblib na lugar, kaya kailangan namin ng tulong mula sa komunidad, mga opisyal ng barangay, at lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga tagong pabrika ng paputok,” ani Col. Garcillano.
Sinabi niya na isang 50-anyos na lalaki, may-ari ng barung-barong sa Norzagaray, at isang menor de edad ang nasawi sa pagsabog, habang apat pa ang nagtamo ng mga bahagyang sugat at nakauwi na matapos gamutin sa ospital.
Batay sa ulat ng kanilang fire marshal, sinabi ni Garcillano na ang barung-barong ay naglalaman ng malaking halaga ng pulbura na ginagamit sa paggawa ng paputok, kahit walang anumang permit mula sa gobyerno.
“Walang permit ang lugar na pinangyarihan ng pagsabog. Nakatayo ito sa tabi ng bukid, at hindi na namonitor ng barangay na may iligal na gawain doon. Wala ring nakaaalam na may tinatagong pabrika ng paputok sa lugar,” paliwanag ng direktor ng Bulacan police.
Dagdag niya, posibleng ang matinding init ng panahon ang nagdulot ng spontaneous combustion na naging sanhi ng pagsabog. “Maaaring nagkaroon ng kapabayaan, kasi dapat may tamang pagsasanay at maayos na storage area kung totoong pabrika ng paputok,” sabi pa ni Col. Garcillano.
Ipinaalam din niya na kukunan ng pahayag ang apat na nakaligtas sa insidente upang alamin ang kanilang nalalaman tungkol sa ilegal na pagawaan.
Ito na ang ikalawang pagsabog sa isang lihim na pabrika ng paputok sa Bulacan ngayong taon — ang una ay naganap sa San Ildefonso noong Setyembre, bagaman wala namang naiulat na nasugatan.
Ang lakas ng pagsabog sa Norzagaray ay nagresulta sa pagkawasak ng barung-barong at ilang kalapit na bahay.

