Parak

Pulis sa Cebu pinuna ng PNP sa ‘Bring Me Pusher’ Challenge

Alfred Dalizon Nov 3, 2025
279 Views

SINABI ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na tinutugunan nito ang isang viral social media content na tinatawag na “Bring Me Challenge” na ipinost noong nakaraang linggo ng isang pulis mula sa Cebu.

Ang pulis ay nakuhanan sa pinost na video na nagsasabing magbibigay siya ng hanggang P5,000 sa sinumang makapagdala sa kanya ng isang drug addict o pusher.

Batay sa imbestigasyon, ang nasabing pulis ay miyembro ng Talisay City Police Station sa ilalim ng Cebu Police Provincial Office at kilala rin bilang isang “vlogger.”

Bagaman ang video ay nilikha para sa personal na social media engagement, ito ay pinuna ng karamihan na hindi angkop at salungat sa mga pamantayang propesyonal na inaasahan sa mga tauhan ng PNP, lalo na’t sensitibo ang kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga.

Matapos malaman ang tungkol sa post, agad na pinayuhan ng hepe ng Talisay City police ang nasabing pulis na tanggalin ang video upang maiwasan ang karagdagang hindi pagkakaunawaan at posibleng pagkasira ng imahe ng PNP.

Bagaman agad na sumunod ang pulis, kumalat na ang mga kopya ng kanyang video online, na naging sanhi para makuha ang atensyon ng publiko at umabot sa mas mataas na tanggapan.

Isinasagawa ang isang internal na imbestigasyon upang matukoy ang mga detalye kaugnay ng insidente.

Pansamantalang inilipat sa isang administratibong posisyon ang nasabing pulis habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon, at pinaalalahanan siya ukol sa umiiral na mga patakaran ng PNP sa paggamit ng social media at pampublikong komunikasyon, ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.

“The PNP stresses that all online activity by its personnel―whether personal or official―must reflect the conduct and operational procedures that guide the service to the public. Individual initiatives are valued, but they must always align with established rules, ethical guidelines, and responsibilities inherent in wearing the uniform,” sinabi ng pinuno ng PNP.

Dagdag pa ni Nartatez, ang insidenteng ito ay dapat magsilbing paalala sa lahat ng miyembro ng PNP na maging maingat sa paggamit ng social media, at tiyaking ang mga personal na kilos ay hindi kailanman makasisira sa dangal at kredibilidad ng kapulisan.